‘New normal’, mas ligtas ‘pag mas maraming bakunado
ni Ryan Sison - @Boses | March 1, 2022
Milyun-milyong Pilipino na ang bakunado laban sa COVID-19.
Base sa pagtaya ng Department of Health (DOH), nasa 63 milyong Pilipino o 70% ng target 90 milyon na ang nakakumpleto ng bakuna o nakatanggap ng dalawang dose ng COVID-19 vaccine.
Sa ngayon, sinasabing nasa 300,000 hanggang 500,000 ang nababakunahan kada araw at kailangan pa umanong pag-ibayuhin ang ibang istratehiya para mapataas ang bilang ng mga nagpapabakuna araw-araw.
Ayon pa sa DOH, sa National Capital Region (NCR) pa rin naitala ang pinakamaraming nabakunahan, na sinundan ng mga probinsiya sa Region I, Region II at mga lugar sa Cordillera, Region III, Region IV-A at Western Visayas.
Samantala, ang kailangan umanong tutukan ay ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), Soccskargen at Central Visayas.
Ngayong tinukoy na ang mga lugar na kailangang tutukan, pakiusap sa mga kinauukulan, galaw-galaw tayo. Dito dapat mas palakasin ang mga diskarte para makumbinsing magpabakuna ang mga residente, lalo pa ngayong muling ikakasa ng DOH ang ikaapat na “Bayanihan, Bakunahan” ngayong Marso.
Kaya naman ngayong buwan, hangad nating paigtingin pa ang information campaign tungkol sa bakuna at mabilis na pagdadala ng suplay sa mga probinsiya dahil kung wala ang mga ito, posibleng mabigo na naman ang pamahalaan sa bakunahan.
Wala tayong ibang hangad kundi maabot ang target ng gobyerno na makapagbakuna ng 90 milyong Pilipino nang sa gayun ay mas ligtas tayong makapamuhay sa ‘new normal’.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments