top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

Never-say-die sa dagdag-allowance sa titser

Writer: BULGAR
BULGAR
May 24, 2023
3 min read

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | May 24, 2023


Sa wakas, nagbunga na naman ang ating pagsisikap na muling mailusot sa Senado ngayong 19th Congress ang matagal na nating itinataguyod para sa mga teachers—ang maging ganap na batas itong Teaching Supplies Allowance (TSA).


Ilang ulit na nating inilaban nang pukpukan ang panukalang ito at matagumpay natin itong nailusot sa third and final reading sa Senado, kahit na noong 17th Congress at 18th Congress ay palaging buong-buo ang nakukuha nating suporta sa mga kapwa natin senador.


Ang problema, hindi ito lumulusot noon sa Mababang Kapulungan kaya hindi ito naging ganap na batas, kaya heto at pinagsisikapan nating muli na maging batas itong TSA dahil ipinangako ko sa ating mga public school teacher na hindi natin ito tatantanan.


Kumbaga sa larong baseball, hindi natin nakuha ang unang pukol kaya inabot tayo ng strike one, strike two at ngayon ay may panibago tayong pagkakataon bago mag-strike three!


Marahil sa ikatlong pagkakataon ay mabigyang-pansin na ng Mababang Kapulungan ang mabuting dulot ng naturang panukala kung gaano ito kahalaga at labis na pakikinabangan ng ating mga pampublikong guro.


Sa Senado, wala kahit isa ang tumututol sa panukala nating ito at kahit na noon pa hanggang sa kasalukuyan ay iisa ang paninindigan ng mga Senador— ipasa na upang maging ganap na batas ang TSA.


Kaya nakipag-ugnayan na tayo hinggil dito kay Ako Bicol Partylist Representative at Chairman ng House Committee on Appropriations na si Elizaldy Co upang ipagbigay-alam ang isinumite nating Senate Bill No. 1964 o ang ‘Kabalikat sa Pagtuturo Act’ na isang malaking tulong sa ating mga guro sa pampublikong paaralan.


Ipinaliwanag natin na hindi malaking kawalan sa kaban ng bayan ang panukalang ito at hindi makakaapekto sa iba pang gastusin ng pamahalaan, bagkus ay isang malaking pangangailangan na talaga sa panig ng mga teachers.


Kinausap na rin natin ang Speaker of the House of Representatives na si Martin Romualdez at ipinakita natin na ang layon ng panukala ay palakasin ang TSA, na mas kilala sa tawag na ‘chalk allowance’, upang madagdagan ang kasalukuyang allowance ng mga public school teacher na hindi na sapat sa kanilang mga gastusin.


Maliwanag kay Speaker na ang kasalukuyang chalk allowance ng mga guro ay nakabase lamang sa isang special provision sa General Appropriations Act, sa ilalim ng taunang budget ng Department of Education (DepEd) kung saan P5,000 lang ang tinatanggap ng mga teacher.


Nakapaloob sa aking panukala na bawat teacher ay tatanggap ng P7,500 sa taong 2024 at P10,000 naman sa simula ng taong 2025. Kung tutuusin, hindi napakalaking halaga nito, ngunit napakalaking tulong na nito sa nagtataguyod ng ating edukasyon at humuhubog sa ating mga anak.

Bilang Chairperson ng Senate Committee on Civil Service, Government Reorganization and Professional Regulation, nakipag-ugnayan din tayo Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman at matagumpay nating nakuha ang suporta nito hinggil sa naturang panukala.


Malaking bagay na malaman nating walang problema sa budget sa napakaliit na karagdagang allowance na nais nating ibigay sa mga pampublikong guro na inaasahan nating humubog sa mga kabataan sa ating bansa.


Nakipag-ugnayan na rin tayo sa tanggapan ng Chairman ng House Committee on Education na si Roman Romulo at nabigyan natin ng kaliwanagan hinggil sa mabuting ibubunga ng panukala nating ito, kaya inaasahan nating magiging magaan ang pagtanggap ng Mababang Kapulungan hinggil dito.



Nais din nating pasalamatan ang lahat ng mga kapwa ko Senador, lalo na ‘yung mga nag-co-sponsor sa iniakda nating SBN 1964 na sina Senators Robinhood Padilla, Sonny Angara, Christopher Lawrence ‘Bong’ Go, Jinggoy Ejercito Estrada, Joel Villanueva, Ronald ‘Bato’ Dela Rosa at Win Gatchalian.


Sandamakmak ang kinakaharap na gastusin ng mga guro sa gitna ng kanilang pagtuturo—tulad ng chalk, ballpen, bond paper, art paper at napakarami pa na lahat ay kanilang inako, magampanan lamang ang kanilang pagiging guro at hindi nagbibilang ng pagkalugi.


Ngayon, sa ikatlong pagkakataon, muling lumusot sa Senado ang panukala nating TSA at sa ikatlong pagkakataon ay dadalisayin ito sa Mababang Kapulungan. Sa pagkakataong ito, umaasa tayo na makakamit na natin ang positibong resulta na ikatutuwa ng napakaraming pampublikong guro sa bansa.


Pakiusap sa mga mahal nating guro, samahan natin ng panalangin na nawa ay makita ng Kamara ang mabuting dulot ng ating panukala upang tuluyan nang maging isang ganap na batas.


Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page