Never daw magkakasundo… ROMNICK SA MGA MAKA-BBM: I-UNFOLLOW O I-UNFRIEND N'YO NA PO AKO
ni Nitz Miralles - @Bida | May 18, 2022

Iba rin si Romnick Sarmenta, ipinapa-cancel ang sarili sa mga followers niya sa social media.
In fairness, magalang ang pakiusap ni Romnick, kaya lang, tapos na ang eleksiyon, akala namin, bati-bati na ang mga nagkatampuhan at nag-away dahil magkaiba ang sinuportahang mga kandidato.
Sa kaso ni Romnick, distansiya pa rin siya sa mga hindi sumuporta kay VP Leni Robredo na kanyang sinuportahan at respetuhin natin siya.
“Nagpapasalamat ako sa lahat ng pagmamahal, pagkakaibigan at suportang ibinigay ninyo sa maraming taon. Pinahahalagahan ko 'yun at kinikilala. Salamat. Mahal ko kayo.
"Pero mayroon akong pakiusap, kung may paggalang kayo at pagkilala sa kapwa tao, kung kasama ka sa 30M, paki-unfollow o unfriend na po ako.
"Hindi lingid sa inyo kung sinong sinuportahan o ibinoto ko. Malinaw na hindi magkapareho ang pinili natin at pinahahalagahan. Malinaw na magkaiba ang ating paniniwala. At kung totoo ka sa sarili mo, maiintindihan mo ang nais at ibig kong sabihin.
"Walang paghuhusga sa bahagi ko, kaya nga nakikiusap.
"Sinabi ko noon, na hindi ako magdadalawang-isip sa pag-block ng mga taong hindi ko kailangan sa mga social media accounts ko. Pero 'wag n'yo na akong pagurin pa. At dahil 'di ko naman kayo inaabala, 'wag na kayong mag-abala pa sa akin.
"Mas gugustuhin kong makita, na ang kakaunting matitira sa listahan ng kaibigan at sumusuporta sa akin, ay mayroon ding malasakit sa mga pinahahalagahan ko.
"At dahil magkaiba tayo ng mga prinsipyo, tiyak kong hindi naman ako magiging kawalan sa inyo, at madali namang gawin ito.”
Ang mga nag-comment sa post na ito ni Romnick ay hindi niya followers, nakibasa lang sa FB post niya. Ang iba, nagalit muna at nag-unfollow.
Pati ang Instagram account ni Romnick, deactivated muna. Ganu’n katindi ang epekto sa kanya ng resulta ng eleksiyon?





Comments