top of page
Search
  • BULGAR

Nets, Kings, Hornets at Celtics, mababangis

ni Anthony E. Servinio - @Sports | January 14, 2022





Naglabas ng sari-saring sandata ang Brooklyn Nets upang pabagsakin ang Chicago Bulls, 138-112, sa tapatan ng dalawang nangungunang koponan ng NBA Eastern Conference kahapon mula sa United Center. Kahit bigo, lamang pa rin ang Bulls sa 27-12 panalo-talo kumpara sa Nets na lumapit sa 26-14.


Matapos maitabla ng Bulls ang iskor sa 71-71, biglang nagbago ang timpla ng laro at humataw ang Nets para lumayo sa pagsara ng 3rd quarter, 101-79. Hindi pa tapos ang Brooklyn at ipinaabot hanggang 38 ang lamang, 130-92, at 4:41 pa sa orasan.

Kahit hindi masyadong pumuntos at nagtala ng karaniwang numero, ang pagtapak lang ni Kyrie Irving sa korte ay sumapat upang angatin nina Kevin Durant na gumawa ng 27 puntos at James Harden na may 25 puntos at 16 assist ang laro. Sumama sa arangkada si Patty Mills sa 21 puntos.


Bumida para sa 29 puntos si De’Aaron Fox upang itulak ang Sacramento Kings sa panalo sa bisitang Los Angeles Lakers, 125-116. Itinigil ng bisitang Charlotte Hornets ang pitong sunod na panalo ng Philadelphia 76ers, 109-98, habang pinahaba ang sarili nilang tagumpay sa apat. Sumaksak si Gordon Hayward para ika-26 ng kabuuang 30 puntos upang itayo ang pinakamalaking lamang ng Charlotte, 70-50, sa 3rd quarter at mula doon ay inalagaan nila ito para sa kartadang 23-19.


Hindi napigil ang bangis nina Jayson Tatum at Jaylen Brown ng Boston Celtics at gumuho ang Indiana Pacers, 119-100. Pumukol ng pitong tres si Brown para sa 34 puntos habang 33 puntos si Tatum.


Dinagdagan ng bisitang Cleveland Cavaliers ang mga suliranin ng Utah Jazz, 111-91, salamat sa triple double ni Darius Garland na 11 puntos, 10 rebound at 15 assist.


Nanguna sa Jazz si kabayan Jordan Clarkson na may 22 puntos buhat sa apat na three-points at hindi naiwasan na bumagsak ang Utah sa 4th place sa Western Conference sa 28-14.


Winakasan ng Houston Rockets ang tatlong sunod na talo at nilusutan ang San Antonio Spurs, 128-124, sa likod ng malakas na laro nina Eric Gordon na may 31 puntos at Christian Wood na 23 puntos at 11 rebound. Nasayang ang triple double ni Dejounte Murray na 32 puntos, 10 rebound at 11 assist at apat na sunod na ang talo ng Spurs.


0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page