Nets, Grizzlies at 76ers, lumalaban sa unahan
ni Anthony E. Servinio - @Sports | March 28, 2022

Bumaligtad ang karera para sa liderato ng NBA Eastern Conference matapos lumasap ng talo ang mga dating nangungunang koponan kahapon. Hinila pababa ng bisitang Brooklyn Nets ang Miami Heat, 110-95, at sinabayan ng tambakan ng Memphis Grizzlies ang Milwaukee Bucks, 127-102.
Namuno sa Nets si Kevin Durant na may 23 puntos at sinundan ni Seth Curry na may 17 puntos. Nagdagdag si Kyrie Irving ng 11 puntos at naghahanda na sa kanyang paglalaro muli sa Barclays Center matapos luwagan ng New York City ang kanilang mga patakaran pagdating sa mga atletang hindi pa bakunado.
Sa gitna ng mga nakakagulat na resulta ay tahimik umakyat sa numero uno ang nagpapahingang Philadelphia 76ers. Galing ang 76ers sa malaking 122-97 tagumpay sa LA Clippers noong isang araw para sa kartadang 46-27, at lamang lang pagdating sa porsiyento sa 47-28 Heat.
Pinatunayan ng Grizzlies na hindi tsamba na sila ang may pangalawang pinakamataas na kartada sa NBA at tinalo nila ang kampeon kahit wala ang kanilang superstar na si Ja Morant na nagpapagaling ng tuhod. Bumida ang reserbang si De’Anthony Melton sa 24 puntos at tinulungan ni Desmond Bane na may 20 puntos.
Pumantay ang Bucks sa Boston Celtics sa 46-28 subalit nakamit ng Celtics ang ikatlong puwesto sa bisa ng kanilang dalawang panalo sa tatlong laro kontra Milwaukee ngayong taon. Sa gitna ng matinding gitgitan ng unang apat na koponan ay humihirit ang minsan naging numero uno at ngayon ay pang-lima na Chicago Bulls matapos manaig sa Cleveland Cavaliers, 98-94.





Comments