Netizens, galit na galit sa diskarte ng DENR na paglalagay ng ‘white sand’ sa Manila Bay...

tulad ng Boracay
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | September 5, 2020
PILIPINAS AT TAUMBAYAN, MAKIKINABANG KAPAG NAGTAGUMPAY ANG DISKARTE NG DENR SA MANILA BAY—Noong panahon ni ex-Pres. Ferdinand Marcos, Sr., ang Manila Bay ay ginagawang paliguan dahil malinis pa ito, pero sa paglipas ng panahon ay nagmistula itong pusali sa dumi at sa naisin ng Duterte gov’t. na maibalik ang dating ganda at linis nito, dumiskarte ang Department of Environment and Natural Resources na lagyan ito ng white sand para magmistulang beach.
Imbes na papurihan ang DENR, binatikos pa ng mga kritiko, na sayang lang daw pera ng bayan na ginastos dito dahil kapag bumagyo raw ay mawawala rin ang white sand.
Tantanan na ang batikos kasi kapag nagtagumpay ito, tayo rin naman ang makikinabang d’yan at saka na lang bumatikos kapag ito ay pumalpak!
◘◘◘
PURO KONTRA SI HARRY ROQUE—Sa tuwing magbibigay ng suhestiyon si VP Leni Robredo sa Duterte gov’t. patungkol sa laban sa COVID-19, kinukontra agad ito ni Presidential spokesman Harry Roque.
Ang dapat gawin ni Roque, iparating kay P-Duterte ang mga suhestiyon ni VP Leni kasi baka makatulong ito at hindi ‘yung kontra agad siya.
Dapat isalpak ni Roque sa kanyang kukute na ang laban sa COVID-19 sa Pilipinas ay laban ng Duterte gov’t., laban ng OVP (Office of the Vice President) at laban ng sambayanang Pilipino, period!
◘◘◘
ISINUSULONG NA ‘OFW SOVEREIGN FUND’ NG KONGRESO, ‘PANGGAGATAS’ SA MGA OFWs?—Isinulong nina Abang Lingkod Partylist Rep. Joseph Paduano at TUCP Partylist Rep. Raymund Mendoza ang panukalang “OFW Sovereign Fund” na naglalayong mag-invest ang mga OFW ng bahagi ng kanilang remittance sa pamahalaan na gagamiting pang-“urgent national government projects.”
Kung para sa kapakanan ng mga OFWs ‘yan ay good, pero kung para sa kapakanan ng mga “buwaya” sa pamahalaan ay bad ‘yan kasi malinaw na panggagatas ‘yan sa mga Pinoy na nasa abroad, period!





Comments