Negosyante, nahulihan ng mga bala sa airport
- BULGAR

- 2 days ago
- 1 min read
by Jeff Tumbado @News | September 6, 2026

Photo: File / Daniel Z. Romualdez Airport - FB File
Arestado ang isang 59-anyos na negosyante matapos umanong makita sa kanyang backpack ang isang magazine at 30 bala ng .45-caliber na baril sa Daniel Z. Romualdez Airport, Biyernes ng gabi.
Ayon sa Police Regional Office 8, kinilala ng pulisya ang suspek sa alyas Mak, residente ng Brgy. Copocawayan, Sto. Niño, Samar.
Nabatid sa report na alas-7:21 ng gabi nang arestuhin si alyas Mak sa Central Security Screening Checkpoint ng paliparan.
Pauwi na umano sa Maynila ang suspek nang ma-detect ng X-ray operator ang mga kahina-hinalang bagay sa loob ng kanyang backpack.
Isinailalim sa manual inspection ang bag sa presensya ng mga pulis, mga saksi at mismong pasahero.
Dito narekober ang isang magazine at 30 bala ng live .45-caliber ammunition.
Agad namang nagsagawa ng verification at profiling ang mga tauhan ng Tacloban Airport Police Station upang matukoy ang dahilan ng pagdadala ng suspek ng mga bala at kung may paglabag ito sa Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Hinilingan umano si “Mak” na magpakita ng mga dokumentong magpapatunay na mayroon siyang legal na awtoridad na magmay-ari o magdala ng naturang mga bala, ngunit nabigo umano siyang maipakita ang mga kinakailangang dokumento.
Nanatili sa kustodiya ng Airport Police Station ang suspek habang patuloy na nangangalap ng karagdagang ebidensiya ang pulisya at inihahanda ang kaukulang reklamo para sa posibleng paglabag sa RA 10591.





Comments