NCR, nasa 14%... 10 lugar, tumaas ang COVID-19 positivity rate — OCTA
ni Lolet Abania | July 24, 2022

Nasa tinatayang 10 lugar ang nai-record na higit 20% o “very high” ang one-week COVID-19 positivity rates nitong Biyernes, habang ang National Capital Region (NCR) ay nag-increase ng 14%, ayon sa independent monitoring group OCTA Research.
Sa isang tweet ngayong Linggo, sinabi ni OCTA Research fellow Dr. Guido David na ang Cavite, Laguna, Rizal, Pampanga, Nueva Ecija, Tarlac, Aklan, Antique, Capiz, at Isabela ay nakapagtala lahat ng positivity rate ng mahigit sa 20% nitong Hulyo 22, kung ikukumpara sa data noong Hulyo 16.
Ang positivity rate ay ang percentage ng mga tao na nagpopositibo sa COVID-19 mula sa kabuuang bilang ng mga indibidwal na nate-test.
Nananatili ang Aklan na nangunguna sa listahan, sa kabila na ang kanilang positivity rate ay bumababa na mula 35% noong Hulyo 16 na naging 32.6% nitong Hulyo 22.
Kasunod nito ang Capiz na may 31.9%, Nueva Ecija na 30.5%, Isabela na 27.8%, Pampanga na 26.1%, Laguna na 26%, Cavite na 24.5%, Tarlac na 24%, Rizal na 22.8%, at Antique na nasa 22.2%.
Ayon pa kay David, ang one-week positivity rate ng NCR ay umakyat din mula sa 12.7% noong Hulyo 16 na naging 14% nitong Hulyo 22.
Binanggit naman ni David nitong Biyernes na ang daily positivity rate sa NCR ay tumaas sa 16%.
Samantala, bilang bahagi ng plano ng gobyerno na patuloy na labanan ang COVID-19 infections sa bansa, ang Department of Health (DOH), katuwang ang mga local government units (LGUs), ay nakatakdang maglunsad sa Hulyo 26 ng isang kampanya na layong mag-administer ng booster shots sa 50% ng eligible population sa susunod na tatlong buwan.
Base sa national COVID-19 vaccination dashboard ng DOH, mayroon na ngayon na 71.5 milyong Pilipino ang fully vaccinated. Sa nasabing bilang, 15.9 milyon ang nakatanggap na ng kanilang booster dose.





Comments