NCR mayors, hindi kampante sa pagbaba ng alert level
ni Ryan Sison - @Boses | October 16, 2021
Sa pagsisimula ng implementasyon ng Alert Level 3 sa National Capital Region ngayong araw, umapela ang mga alkalde sa rehiyon na hindi sila kinonsulta hinggil sa pagbaba ng quarantine restrictions.
Ayon kay Marikina Mayor Marcelino Teodoro, walang pagpupulong na naganap sa pagitan ng Metro Manila Mayors at Inter-Agency Task Force (IATF) at natanggap na lamang umano nila ang bagong alert level, kaya nagtatanong at pinag-aaralan ng ibang alkalde kung paano ligtas na maipatutupad ang bagong alert level system.
Dagdag pa ni Navotas Mayor Toby Tiangco, hindi inirekomenda ng mga alkalde sa rehiyon ang pagluwag ng quarantine restrictions.
Matatandaang inanunsiyo ng Malacañang na isasailalim na sa Alert Level 3 ang Metro Manila mula ngayong araw, Oktubre 16 hanggang 31.
Bagong quarantine restrictions, panibagong panuntunan. Kabilang na ang mas maraming establisimyento ang pinapayagang mag-operate at hanggang 30% ang indoor venue capacity para sa mga fully vaccinated at hanggang 50% sa outdoor capacity. Gayundin, papayagan nang lumabas ang mga menor-de-edad.
Bagama’t nauunawaan nating para sa ekonomiya ang ginagawang pagluluwag, ang tanong, handa ba tayo pagdating sa kaligtasan ng taumbayan?
Habang ikinatutuwa ng marami nating kababayan ang pagluluwag na ito, hindi kampante ang mga lokal na pamahalaan dahil sa mga posibilidad na nakaabang.
Nariyan ang posibleng pagsirit ng bagong COVID-19 cases o kaya naman, maging laban-bawi ang pagpapatupad ng quarantine restrictions.
Tandaan, mga lokal na opisyal ang nakakaalam sa sitwasyon ng kanilang nasasakupan, gayundin, alam nila ang mga dapat at hindi dapat gawin kaya sana lang, ‘wag natin silang dedmahin pagdating sa pagdedesisyon sa mga ganitong bagay.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments