NCR, balik sa moderate risk dahil sa pagtaas ng COVID admission
ni Ryan Sison - @Boses | October 2, 2022
Muling inilagay sa ‘moderate risk’ ang Metro Manila.
Ibig sabihin, higit sa 50% ngunit mas mababa sa 70% ang hospitalization rate o ang COVID-19 admission sa mga ospital.
Ayon sa Department of Health (DOH), anim na lugar sa National Capital Region (NCR) ang nagkaroon ng pagtaas sa admisyon ng mga pasyenteng may COVID-19, kabilang ang Pasig City, Muntinlupa City, Malabon City, Makati City, Navotas City at Caloocan City.
Dahil dito, nakipagpulong na umano ang DOH sa mga lokal na pamahalaan para matugunan ang mga pangyayari. Napag-usapan na rin umano na ilipat ang mga pasyenteng asymptomatic at may mild symptoms para mapaluwag ang COVID-19 wards.
Samantala, noong Miyerkules, Setyembre 28, nakapagtala ang NCR ng 13,984 bagong kaso, kaya umabot na sa 7,446 beds sa bansa ang okupado ng mga pasyente habang nasa 21,210 pa ang bakante. Gayunman, nilinaw ng DOH na nananatiling nasa ‘minimum level’ ang mga severe at critical COVID-19 cases sa bansa.
Nabatid na may average 2,334 arawang kaso ang buong bansa mula Setyembre 22 hanggang 28, bagay na mas mataas nang 2% kumpara sa nakalipas na linggo at 7% kumpara sa nakalipas na dalawang linggo.
Ilan sa mga tinitingnan nilang dahilan ng pagtaas ng bilang ng mga bagong kaso ay ang pagtaas ng mobility o kilos ng mga tao, hindi pagpapabakuna, ang pagkabigong tumalima sa health protocols at ang mas maluwag na panuntunan sa pagsusuot ng face mask.
Habang lalong tumataas ang mobility o pagkilos ng mga tao dahil balik-eskuwela ang mga mag-aaral at nagbalikan na rin sa opisina ang mga empleyado, hindi nakapagtatakang magkaroon ng hawahan. Idagdag pa ang mga pagpapasaway ng ilan, kung saan dedma na sa mga health protocols.
Kaya kung hindi maiiwasan ang pagtaas ng COVID-19 admissions, hangad nating nabibigyan ng karampatang tulong ang mga pasyente.
Batid nating doble-kayod ang mga nasa sektor ng kalusugan, kaya sana’y handa at kinakaya ng mga healthcare workers ang pagtugon sa pangangailangan ng mga tinamaan ng sakit.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments