NCAP: Disiplina hindi pera

by Info @Editorial | October 9, 2026

Mahalagang tiyakin na ang pinalawak na No Contact Apprehension Policy (NCAP) ay hindi magiging panibagong pabigat sa mga motorista sa Metro Manila.
Nagbigay ng katiyakan ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at mga lokal na pamahalaan na walang mangyayaring duplication o dobleng huli sa pagpapatupad ng nasabing polisiya.
Magandang hakbang ang ganitong koordinasyon, ngunit hindi sapat ang pangako lamang. Kailangang may malinaw at maaasahang sistema upang matiyak na ang isang paglabag ay hindi mauuwi sa dalawang magkahiwalay na multa.
Layunin ng NCAP na mapalakas ang disiplina sa kalsada at mapanagot ang mga lumalabag sa batas-trapiko nang hindi kinakailangang direktang hulihin ng traffic enforcer.
Dapat ding tiyakin na hindi masasakripisyo ang karapatan ng mga motorista sa patas at wastong proseso.
Dapat malinaw kung aling ahensya ang may hurisdiksyon sa bawat lugar, paano ibeberipika ang mga paglabag, at saan maaaring maghain ng reklamo o apela ang isang motoristang naniniwalang mali ang ipinataw na multa.
Ang tunay na sukatan ng epektibong polisiya ay ang pagbaba ng mga paglabag, pag-iwas sa aksidente, at mas ligtas na paglalakbay para sa lahat.
Sa huli, ang NCAP ay dapat magsilbing instrumento ng disiplina at kaligtasan, hindi dagdag na gastusin sa mga motorista.



Comments