NBA undrafted Kai, maghihintay ng tawag sa 30 koponan
ni GA - @Sports | June 25, 2022

Hindi pinalad na mapili bilang kauna-unahang homegrown Filipino player si Gilas Pilipinas center Kai Zachary Sotto, gayundin si Fil-American Remy Martin sa katatapos lang na 2022 NBA Annual Rookie Draft na ginanap sa Barclays Center sa New York City kahapon.
Nabigong matawag ang pangalan ng 20-anyos na 7-foot-3 stalwart at ng Kansas Jayhawks point guard sa 58 manlalarong napili mula sa first at second rounds ng taunang pagpili ng Rookies, kaya’t tatayong Undrafted ang mga ito na maghihintay na mabigyan ng pansin ng 30 koponan na ma-alok ng anumang kontrata.
“Thank you to everyone for your support and kind words tonight. I won’t stop pursuing the dream of being in the NBA…this is not the end,” pahayag ng dating Ateneo Blue Eaglets High School champion sa kanyang official tweeter account.
Nilinaw din ni Sotto ang binitawang salita ng agent nitong si Joel Bell sa balitang tinanggihan nito ang ilang mga imbitasyon sa Summer League upang maglaro na lamang para sa Gilas Pilipinas national team sa FIBA World Cup Asian window. “I also want to clarify that no decision has been made about me not playing in the summer league. My agent misspoke,” wika ni Sotto, na kabilang din ang may dugong Filipino na sina Ron Harper Jr. ng Rutgers at Boogie Ellis ng USC na hindi napili, subalit nabiyayaan ng two-way contract si Harper ng Toronto Raptors.
Nagawang dumalo ni Sotto sa magkakahiwalay na individual/group work out sa New York Knicks, Orlando, Cleveland, Chicago, Atlanta, Sacramento, Los Angeles Clippers at Indiana Pacers. Ngunit ayon sa ilang ulat, naging malaking epekto sa pagpili sa kanya ang ankle injury na tumama sa pre-draft workouts, kaya’t pito lang ang nadaluhan nito sa 12 na nakalinyang pagpakitaan ng gilas at husay ng laro.





Comments