NBA na! Bucks, Nets, Lakers at Warriors
- BULGAR
- Oct 20, 2021
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio - @Sports | October 20, 2021

Dalawang laro ang magbubukas ng makasaysayang ika-75 taon ng National Basketball Association (NBA) ngayong araw. Sisimulan ng Milwaukee Bucks ang pormal na depensa ng korona sa pagtanggap ng bisitang Brooklyn Nets habang dadalaw ang Golden State Warriors sa Los Angeles Lakers.
Bago ang lahat, igagawad sa Bucks ang kanilang mga singsing bilang tanda ng ikalawang kampeonato sa kasaysayan ng prangkisa. Itataas din ang bandila ng kampeonato sa kisame ng Fiserv Forum. Halos walang pagbabago sa Milwaukee at nandiyan pa rin sina Giannis Antetokounmpo, Khris Middleton, Brook Lopez at Jrue Holiday. Patungo sa kampeonato, tinalo ng Bucks ang Nets sa nakaraang Eastern Conference Semifinals kung saan umabot ang Game Seven sa overtime, 115-111, sa Barclays Center.
Sa panig ng Nets, patuloy pa rin ang kontrobersya ni Kyrie Irving na hindi muna makakalaro hanggang hindi siya magpapabakuna. Sasandal ang Brooklyn kay Kevin Durant at James Harden at nasa kamay nina Bruce Brown at mga bagong pirmang sina Patty Mills at Paul Millsap ang pagtakpan ang pansamantalang pagliban ni Irving.
Gumawa ng ingay ang Lakers sa mga nakalipas na buwan bunga ng mga malalaking pangalan na lumipat sa kanila sa pangunguna nina Russell Westbrook, Carmelo Anthony, DeAndre Jordan, Dwight Howard at Rajon Rondo. Tanging sina LeBron James, Anthony Davis at Talen Horton-Tucker ang mga babalik kaya malaking katanungan kung paano nila babagayan ang lahat ng mga bagong kakampi.
Si Stephen Curry pa rin ang aasahan na bubuhat sa Warriors kasama sina Draymond Green at Andrew Wiggins sa paghanap ng ika-pitong kampeonato ng koponan matapos huling maghari noong 2018. Hinihintay pa humilom ang mga pilay nina Klay Thompson at James Wiseman.
Bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-75 taon ng liga, ipapakilala ang 75 Greatest Players ng NBA. Noong 1996 ay inilabas ng liga ang kanilang 50 Greatest at tiyak na muling magiging paksa ng maraming debate ang bagong listahan.
Babalik na ang NBA sa nakagawiang tig-82 laban ang bawat isa sa 30 koponan. Noong nakaraang dalawang taon, napilitan ang liga na gumamit ng pinaikling kalendaryo bunga ng pandemya.








Comments