NBA magbabayad sa ABA ng pensiyon ng veteran players
ni Anthony E. Servinio - @Sports | July 14, 2022

Magbabayad ang National Basketball Association (NBA) ng tinatayang $25 milyon sa mga beterano ng American Basketball Association (ABA), ang naging karibal nilang liga mula 1967 hanggang 1976. Masasabi na ito ay isang tagumpay para sa mga dating manlalaro na malaki ang na-ambag sa pag-usbong ng basketball sa tinatamasang estado nito ngayon.
Lahat ng mga dating ABA ay mga senior citizen na at karamihan ay may suliranin hindi lang sa kalusugan kundi pati na rin pagdating sa pinansiyal. Sa ngayon ay may nakalistang 115 na pangalan na maaaring makatanggap agad ng pensiyon.
Kalahati ng pondo ay manggagaling sa NBA mismo at ang iba ay buhat sa NBPA na unyon ng mga manlalaro nito. Nanguna sa paglaban ng karapatan ng mga beterano ng ABA ang Dropping Dimes, isang samahan sa Indianapolis na kinabibilangan ng mga dating atleta at kawani ng sports media.
Ayon sa pinagkasunduan, makatatanggap ang isang manlalaro ng $3,828 (P215,770) para sa bawat taon na inilaro niya kada taon. Halimbawa, kung tumagal ang kanyang karera sa ABA ng tatlong taon ay aabot sa $11,484 (P647,313) ang makukuha kada taon.
Nabahala ang Dropping Dimes sa mga balita ng mga manlalaro na namatay na hindi man lang nakapagpagamot. Kasama rin dito ang mga kaso ng mga nalugmok sa kahirapan.
Itinatag ang ABA noong 1967 upang labanan ang naunang NBA at maglaro sa mga lungsod na hindi makapasok sa NBA. Agad pinag-agawan ng dalawang liga ang mga serbisyo ng mga beterano at mga rookie galing sa mga kolehiyo.
Nakilala ang liga sa kanilang mas mabilis at bara-barang estilo ng laro tampok ang bolang kulay pula, puti at bughaw. Ang ABA rin ang nagpasimuno ng 3-points na hindi ginaya sa NBA hanggang 1979.





Comments