NBA, hindi ipatitigil kahit may COVID-19 outbreak
ni Anthony E. Servinio - @Sports | December 23, 2021

Nilinaw ni NBA Commissioner Adam Silver na walang plano ang liga na pansamantalang itigil ang mga laro sa gitna ng dumadaming manlalaro at kawani nito na pumapasok sa health protocol. Kasabay nito, inamin ng opisyal na tinatayang 90 porsiyento ng mga bagong kaso ay galing sa Omicron variant kaya pinag-aaralan ang mga maaaring mga maging pagbabago sa kabuuang patakaran ng liga.
Upang labanan ito, hihikayatin ng NBA na kumuha ng booster shot ang lahat. Sa ngayon, 97 porsiyento ng mga manlalaro ay bakunado na at 60 porsiyento ng mga ito ay tapos na sa kanilang booster.
Kailangan ding maghanda ang mga tagahanga sa mga posibleng pagbabago sa kinagawiang mga laro ng liga sa Araw ng Pasko. Maaaring baguhin ang oras o tuluyang ipagpaliban sa ibang araw ang mga ito tulad nang nangyari sa pitong laro nitong nakaraang linggo.
Napilitan ang mga koponan na mag-akyat ng mga manlalaro buhat sa NBA G League o magpapirma ng mga free agent upang makabuo ng kailangang walong manlalaro para matuloy lang ang laro
Sa mga laro, nakuha ng bisitang Phoenix Suns ang ika-apat na sunod na panalo, 108-90, sa Los Angeles Lakers na wala si Anthony Davis dahil pilay ang tuhod at Coach Frank Vogel dahil sa health protocol. Ito ang kanilang ika-25 panalo at pumantay sa Golden State Warriors subalit mas mataas pa rin ang Suns dahil mas kaunti ang kanilang talo na lima kumpara sa anim ng pumapangalawang Warriors.
Patuloy ang magandang pagbalik ni Devin Booker galing sa pilay at gumawa ng 24 puntos at sinundan ni Deandre Ayton na double-double na 19 puntos at 11 rebound.
Hindi sumapat ang 34 puntos ni LeBron James at 22 puntos at 10 rebound ni Russell Westbrook para sa Lakers na pumantay ang kartada sa 16-16.





Comments