NBA Fil-Am Spoesltra, swak sa Top 15 Greatest Coaches
ni Anthony E. Servinio - @Sports | February 10, 2022

Umani ng bagong karangalan si kabayan Coach Erik Spoelstra ng Miami Heat at napabilang siya sa “15 Greatest Coaches” na inilabas ng NBA kahapon kasabay ng ika-75 taon ng liga. Kasama siya sa listahan ng mga alamat at kampeon na sina Coach Phil Jackson na may pinakamaraming NBA World Championship na 11 para sa Chicago Bulls at Los Angeles Lakers.
Nasa listahan din si Red Auerbach na may siyam na kampeonato sa Boston Celtics at sina Larry Brown, Chuck Daly, Red Holzman, KC Jones, Don Nelson, Jack Ramsay, Pat Riley, Jerry Sloan at Lenny Wilkens. Napili rin ang mga aktibong coach na sina Gregg Popovich ng San Antonio Spurs, Steve Kerr ng Golden State Warriors at Doc Rivers ng Philadelphia 76ers.
Kinumpirma ng NBA ang paglahok ni rookie Jalen Green ng Rockets sa AT&T Slam Dunk sa All-Star Saturday sa Peb. 19. Haharapin ni Green sina Obi Toppin ng NY Knicks, Juan Toscano-Anderson ng Warriors at Cole Anthony ng Magic na magiging kakampi sa Team Worthy sa Clorox Rising Stars sa Peb. 18.
Patalasan ng shooting ang labanan sa MTN Dew 3-Point Contest na paglalabanan nina Trae Young ng Hawks, Zach LaVine ng Bulls, Desmond Bane ng Grizzlies, Karl Anthony Towns ng Timberwolves, Fred VanVleet ng Raptors, Luke Kennard ng Clippers, Patty Mills ng Nets at CJ McCollum na bagong lipat sa Pelicans galing Trail Blazers. Tatlong koponan ang magtutuos sa Taco Bells Skills Challenge na Team Rooks (Scottie Barnes ng Raptors, Cade Cunningham ng Pistons at Josh Giddey ng OKC Thunder), Cavaliers (Darius Garland, Jarrett Allen at Evan Mobley) at ang Team Antetokounmpo ng magkapatid na Giannis at Thanasis ng Bucks at Alexandros ng Raptors 905 sa G League.
Sa laro kahapon, pumutok sa 8 puntos sa huling 4 mintuo si Devin Booker upang maagaw ng no. 1 Phoenix Suns ang 114-109 tagumpay sa Philadelphia 76ers sa Wells Fargo Center. Namuno si Booker sa 35 puntos at sinundan ni Mikal Bridges sa 23 habang 16 puntos at 12 assist si Chris Paul.
Umangat muli ang Boston Celtics sa 126-91 tambak sa Brooklyn Nets. Anim na sunod na ang panalo ng Celtics mula sa lakas ni Jaylen Brown at Marcus Smart na gumawa ng tig-22 puntos para sa kartadang 31-25.
Sinakmal ng Milwaukee Bucks ang Los Angeles Lakers para sa apat na sunod na panalo, 131-116, sa bisa ng 44 puntos at 14 rebound ni Giannis Antetokounmpo. Hindi rin pinalad ang Clippers at winalis ng Grizzlies ang apat nilang tapatan ngayong taon, 135-109, sa bisa ng 30 puntos ni Ja Morant.
Kahit bumubuti ang karera ni Jalen Green, tuloy pagiging kulelat sa West ng Houston Rockets at pinadapa sila ng New Orleans Pelicans, 110-97. Nagpasikat sa 33 puntos at 11 assist si Luka Doncic sa 116-86 pagtambak ng Dallas Mavericks sa kulelat din na Detroit Pistons.





Comments