top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

NBA championship ring, igagawad sa Lakers bago ang opening games

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Dec 23, 2020
  • 2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | December 23, 2020





Kasabay ng pagbubukas ng 2020-2021 National Basketball Association (NBA), igagawad ngayong araw sa Los Angeles Lakers ang kanilang mga singsing bilang patunay ng kanilang pagiging kampeon ng liga noong Oktubre. Susundan ito agad ng kanilang sagupaan kontra kapitbahay na Los Angeles Clippers, ang unang hakbang para sa ika-18 na tropeo at kumalas sa tabla kasama ang Boston Celtics para sa pinakamaraming titulo sa kasaysayan.


Halos buo pa rin ang Lakers at nariyan pa sina LeBron James, Anthony Davis, Alex Caruso, Kentavious Caldwell-Pope at Kyle Kuzma. Subalit lalong nagpalakas sa kanila ang pagkakadagdag nina Marc Gasol, Dennis Schroder, Wesley Matthews at ang 2020 Sixth Man of the Year Montrezl Harrell na galing Clippers.


Upang bigyan ng puwang ang mga baguhan, lumipat sa ibang koponan sina Rajon Rondo (Atlanta), Dwight Howard (Philadelphia) at Danny Green (Philadelphia). Kahit maikli lang ang panahon ng paghahanda at ensayo, winalis ng Lakers ang lahat ng kanilang apat na laban sa preseason kung saan tinalo nila ng tig-dalawang beses ang Clippers at Phoenix Suns.


Maghaharap ang bisitang Golden State Warriors at Brooklyn Nets sa pambungad na laro. Aabangan ang unang pagkikita ni Kevin Durant ng Nets sa dating koponan matapos magpagaling ng pilay sa buong 2020-2021.


Determinado na makabawi si Stephen Curry at ang Warriors buhat sa kanilang kartadang 15-50 panalo-talo noong nakaraang taon at hindi sila isinama sa bubble. Ngayon at malusog muli si Durant ay masasamahan na niya sina Kyrie Irving, Joe Harris, Spencer Dinwiidie at ang bagong pirmang si DeMarcus Cousins patungo sa unang kampeonato ng prangkisa sa NBA sa ilalim ni bagong coach Steve Nash.


May 13 laro sa pangalawang araw bukas tampok ang MVP na si Giannis Antetokounmpo at ang Milwaukee Bucks laban sa Boston Celtics. Kapipirma lang ng bagong kontrata ang MVP upang manatili sa Milwaukee sa gitna ng maraming alok para sa kanyang serbisyo.


Hindi mapapatid ang taunang tradisyon ng liga at maglalaro sa Pasko. Bubuksan ng Miami Heat ang araw sa tapatan nila sa New Orleans Pelicans at susundan agad ng pagbisita ng Warriors sa Bucks.


Ang pangatlong laro ay sa pagitan ng Nets at Celtics at babalik sa aksyon ang Lakers laban sa Dallas Mavericks. Ang ika-lima at huling laro ay ang Denver Nuggets kontra sa Clippers.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page