Natuto na dapat last year…‘Wag maging kumpiyansa, delikado pa ang panahon ngayon
ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo |November 11, 2021
Sa gitna ng mga paghahanda para sa nalalapit na halalan sa 2022, gusto nating maglaan ng ilang sandali upang ipaabot ang taos-pusong pasasalamat sa inyong inilaang oras at pagod nitong nakalipas na mga linggo. Labis kaming natuwa sa nationwide caravan at mga itinatatag na koalisyon na nagpapakita ng inyong patuloy na tiwala at pagsuporta.
Sa tulong ng inyong patuloy na suporta at dedikasyon, gagawin natin ang lahat upang masigurong maipagpapatuloy at mapapayabong pa ang mga magagandang programa at pagbabago.
Unang-una, sisiguraduhin nating magiging mas mabilis, maayos at maaasahan ang mga serbisyo ng gobyerno, tulad ng serbisyong medikal na ibinabahagi ng mga programa tulad ng Malasakit Centers. Pangalawa, titiyakin nating matatapos ang mga nasimulang Build, Build, Build projects.
At ikatlo, sisikapin nating madagdagan pa ang mga tagumpay natin sa kampanya laban sa ilegal na droga, kriminalidad at korupsiyon sa gobyerno.
Samantala, sisikapin nating lutasin ang mga problema ng gutom at hirap dulot ng COVID-19 pandemic.
Nananawagan din tayo sa mga walang tigil na sumusuporta sa kampanya laban sa COVID-19.
Ang ating pakikiisa ang pinakaepektibong paraan upang masugpo ang pagkalat at bumaba ang bilang ng mga kaso sa ating bansa.
Umaapela naman tayo sa mga nag-aalinlangan pa na magparehistro at magpabakuna na sa lalong madaling panahon. Ito ang tanging susi upang malampasan ang pandemya at makabalik sa normal na pumumuhay.
Natutuwa tayong ibalita na dahan-dahan na nating maaabot ang inaasam na herd immunity laban sa COVID-19. Noong November 8, pumalo na sa 64.9 milyong doses ng bakuna ang naiturok sa ating mga kababayan.
Sa kasalukuyan, meron nang mahigit 114.2 milyong doses ang bansa at inaasahang may darating na dagdag 50 milyong doses bago matapos ang taong ito. Nasa 35.1 milyong Pilipino ang naturukan na ng first dose habang 29.8 milyong Pilipino naman ang fully vaccinated na.
Natuto na dapat tayo sa pinagdaanan natin noong nakaraang taon. Nakailang pagsasara na tayo ng mga negosyo at pagtigil ng trabaho. Huwag tayong maging kumpiyansa dahil delikado pa ang panahon ngayon.
Kung patuloy na magiging disiplinado at susunod sa mga patakaran ang taumbayan, patuloy na luluwag ang restrictions, bababa ang bilang ng mga nagkakasakit, at mas mabilis tayong makababalik sa normal nating pamumuhay.
At habang ginagawa natin ang lahat para proteksiyunan ang buhay ng bawat Pilipino, sinisikap din nating pagaanin ang pinapasang hirap ng ating mga kababayan.
Tandaan, hindi porke niluluwagan na ang restrictions ay hindi na tayo mag-iingat. Ang pagiging responsableng mamamayan at pagpapakita ng malasakit sa ating mga frontliners ang pinakamabisang ambag ng bawat isa sa atin tungo sa muling pagbangon ng nagkakaisa at mas matatag na bansa.
Unti-unti na nating nakikita ang liwanag sa gitna ng pandemya, kaya mas lalo dapat tayong magbayanihan at magmalasakit sa kapwa patungo sa mas magandang kinabukasan para sa lahat.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.





Comments