top of page

‘Natupad ko, halos lahat ng pinangako ko’ – P-Du30

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Dec 3, 2021
  • 2 min read

ni Lolet Abania | December 2, 2021



Ipinagmalaki ni Pangulong Rodrigo Duterte na natupad niya ang karamihan sa kanyang mga pangako sa panahon ng kanyang panunungkulan bilang punong ehekutibo.

“My term is nearing its end, I can say with a little bit of pride, halos lahat na pinangako ko, natupad ko,” ani Pangulong Duterte sa inagurasyon ng 143 Social and Tourism Ports at ng Zamboanga City Seaport Development Project ngayong Huwebes.


“Dito na lang sa peace and order... pero as long as there are men in this planet, there will always be misdeeds and wrongdoings committed by human being. Be that as it may, I tried my best. ‘Di ko naman sabihin na ano, mukhang nakumpleto ko halos lahat ng pinangako ko sa taong bayan. Salamat,” sabi ng Pangulo.


Bilang kandidato noong 2016, nabanggit ni P-Duterte na magiging madugo kapag siya ang nahalal na pangulo. Simula noon, tinatayang nasa 7,000 indibidwal na ang namatay sa panahon ng anti-drug operations ng pulisya base sa mga police records.


Magugunitang inisyal na siniyasat ng International Criminal Court (ICC) ang administrasyong Duterte hinggil sa umano’y ‘crimes against humanity in the context of drug war killings’ sa panahon ng mga police operations.


Gayunman, ang pagsisiyasat ng ICC ay pansamantalang ipinagpaliban matapos na hilingin ng gobyerno ng Pilipinas sa korte na itigil ang imbestigasyon, kung saan ikinatwirang inaalam na ng mga lokal na awtoridad ang tungkol sa mga naturang pagpatay.


Ang pagpapaliban ng ICC probe ay tinutulan naman ng mga pamilya ng namatay sa drug war dahil anila, ni-review lamang ng Department of Justice (DOJ) ang 352 kaso ng drug war killings sa mga police operations, kung saan ayon din sa kanila na ang pagsisiyasat ng mga lokal na awtoridad ay isang lang umano pagkukunwari.


Subalit, ayon sa Pangulo, hinding-hindi siya makikipagtulungan sa isang ICC investigation kahit pa aniya, payag siyang makulong sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa.


“I am a Filipino. If there is somebody who will prosecute me, it is the Philippine prosecution service,” saad ni P-Duterte.


“Pilipino lang puwede magpakulong sa akin. Parang hotel raw kulungan nila [sa abroad]... [pero] dito ako sa Muntinlupa. Ipatapos ko ang tattoo ko rito sa kamay. May bulaklak ako, ginagamit ko ‘pag maglandi, ipinagyayabang ko tattoo ko,” sabi pa ng Pangulo.


Samantala, magtatapos ang termino ni Pangulong Duterte sa Hunyo 30, 2022.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page