top of page
Search
  • BULGAR

Nationwide ‘Food Stamp Program’, ipapatupad sa Hulyo

ni Ryan Sison @Boses | May 13, 2024



Boses - Ryan Sison


Anim na buwan matapos ang matagumpay na pilot implementation ng “Food Stamp Program” sa ilang bahagi ng bansa, ipapatupad na ito nationwide ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). 


Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), sa July ng taong kasalukuyan ay iimplementa na ang naturang programa sa buong bansa.


Gayundin, naglabas na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. (PBBM) ng Executive Order No. 44 na nagtatag sa “Walang Gutom 2027: Food Stamp Program,” isang flagship program ng DSWD, kung saan may mandato sa kanila na gumawa ng mga hakbang para sa matagumpay na pagpapatupad at pagpapalawak ng nasabing programa.


Ang layunin ng “Food Stamp Program” ay mabawasan ang insidente ng kagutuman na nararanasan ng mga low income household o may mababang kitang sambayanan sa pagbibigay ng monetary-based assistance sa pamamagitan ng Electronic Benefit Transfer (EBT) cards na maaaring gamitin sa pagbili ng ilang food commodities o pagkain mula sa mga eligible partner merchant store.


Sa isang press briefing, ipinahayag ni DSWD Undersecretary Edu Punay na sinisimulan na nila ang paghahanda para sa full implementation ng “Food Stamp Program”, at isa na rito ang pagkuha sa mga kailangang staff sa mga lugar na sakop ng programa.


Sinabi rin ni Punay na ipapatupad ito sa 10 rehiyon at 12 lalawigan na may initial target na 300,000 pamilya.


Aniya pa, inumpisahan na nila ngayong buwan ang kanilang validation at registration ng may 300,000 benepisyaryo para sa implementasyon sa buwan ng July, habang nakakuha na rin sila ng 1,000 validators para sa naturang programa.


Nasa 21 lalawigan at 10 rehiyon naman ang natukoy ng kagawaran bilang mga priority areas.


Batid naman natin na napakaimportante ng pagkain upang patuloy tayong lumakas, sumigla at mabuhay.


Gayunman, marami sa atin ang kahit sabihing may hanapbuhay at pinagkikitaan ay kinakapos pa rin sa pambili ng pagkain habang ang iba ay wala talagang makain. 


Kaya naman malaking tulong para sa ating mga kababayan na mga naghihikahos ang pagkakaroon ng food stamp na ipapamahagi na sa buong bansa.


Hiling lang natin sa kinauukulan na mas palawakin pa ang pagbibigay ng food stamp sa mga kababayan lalo na sa mga lugar na salat talaga sa pagkain upang hindi man agad ay unti-unting mababawasan ang nararanasang kagutuman sa ating bansa.


 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Commentaires


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page