National ID, Wa’ ‘Wenta dahil ‘di kinikilala
ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | Pebrero 22, 2023
Dapat umanong kilalaning valid ID ang temporary ID o ePhilID ng bawat Pilipino na pansamantalang gumagamit nito habang wala pa ang kanilang National ID mula sa PhilSys.
Ito ang pakiusap ni Christadel Andres, Statistical analyst ng Philippine Statistic Authority (PSA) sa isang panayam kasabay ng pagdiriwang ng National Civil Registration Month ngayong Pebrero.
Ito ay dahil sa kabi-kabila na ang reklamo na natatanggap, hindi lang mismo sa temporary ID kundi sa bisa mismo ng inisyung National ID mula sa PhilSys kaya ganu’n na lamang ang pakiusap ng PSA na dapat umanong tanggapin ito ng mga establisimyento na nangangailangan ng valid ID.
Ayon sa PSA, ipinakikusap nila sa lahat ng establisimyento na kapag may gumamit ng ePhilID o temporary ID, kung maaari ay huwag tanggihan dahil valid umano ito habang wala pa ang National ID, lalo na sa mga remittance center.
Katunayan, nagbigay-babala pa ang PSA hinggil sa ilegal at lantarang panggagaya ng masasamang loob sa kahabaan ng Recto sa naturang ID na hindi umano basta magagaya dahil sa QR code na kapag ini-scan ay nakapaloob ang impormasyon ng taong nakasaad sa ID.
Ngunit nakakalungkot na balita na dapat ay maiparating natin sa PSA na ang QR code ay hindi na sapat para mapatunayang totoo ang isang ID dahil kayang-kaya na itong gawin sa kahabaan ng Recto.
Katunayan, maging ang NBI clearance ay kayang-kaya nang gayahin, mula saklase ng papel hanggang QR code, kaya balewala na kung QR code lang ang basehan dahil sa Recto, bago bayaran ng kliyente ay ini-scan muna at talagang lumalabas ang kanilang impormasyon.
Kaya dapat tugisin din ang sindikato ng mga namemeke sa Recto ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police (PNP) dahil panahon pa ni Mahoma hanggang ngayon ay hindi matinag ang mga ‘yan na nagpapalala pa sa problema.
Sa ngayon kasi, ang PSA ay naglalabas ng tatlong klase ng physical national identification o PhilID cards—ito ay naka-print, downloadable, at mobile formats na mabuting hakbangin naman dahil kahit paano ay naibsan ang pagkainip ng ating mga kababayan.
Ang digital PhilID ay may kahalintulad na validity functions bilang physical PhilID cards, na siya ngayong ipinamamahagi ng PSA's official courier partner na Philippine Postal Corp. (PHLPost).
At tulad ng palaging sinasabi ng PSA, ang printable digital ID format ay nagtataglay din ng security features, tulad ng physical cards dahil mayroon umano itong unique digital signature para sa QR code na puwedeng i-validate sa pamamagitan ng PhilSys check.
Tiniyak naman ni Deputy National Statistician of the PhilSys Registry Office, Fred Solleta, na ang PhilID, kahit ano pa ang hitsura ay may bisa at gumagana at dapat na tanggapin bilang valid proof of identification at libre itong ipinamamahagi ng pamahalaan.
Kung titingnan natin sa kabuuan ang konsepto at pagsisikap ng lahat ng bumubuo ng PSA at iba pang ahensya na nasa likuran ng National ID, wala naman tayong makitang problema maliban sa medyo naantala at kasalukuyan naman nilang nireresolba.
Ngunit nais ko lang ipabatid sa PSA na kaya lamang ginagamit ang National ID sa kasalukuyan dahil sa kanilang ipinakikuusap, ngunit hindi nila napagtagumpayang marating ang tunay na layunin kaya gumawa ng National ID ang pamahalaan.
Kaya may National ID ay upang magamit ng ating mga kababayan sa lahat ng opisyal na transaksyon at valid ng walang kahit anong kuwestiyon.
Sa ngayon, nakikiusap ang PSA na kung maaari ay tanggapin bilang valid o opisyal na dokumento ang National ID dahil marami ang hindi ito kinikilala at dahil utos ng pamahalaan na gamitin ito, tinatanggap naman ng mga establisimyento, ngunit humihingi pa ng karagdagang ID.
Para mas mabilis na mapatunayan ang sinasabi ko, magtungo kayo sa pinakamalapit na banko at subukan n’yong makipagtransaksiyon na kailangan ng valid ID— bagama’t tatanggapin nila, hihingi pa sila ng isang government ID tulad ng passport, driver’s license atbp.
Ang katwiran ng mga establisimyento, walang pirma ang National ID maliban sa 1x1 picture kaya wala silang basehan para kilalanin ito tulad ng driver’s license at passport na kahit hindi na i-scan ay mas sigurado.
Isa pa, hindi na rin mapagkatiwalaan ang nilalaman ng QR code kung tunay o hindi dahil marami ang gumagawa nito sa Recto, kaya panahon na para baguhin ang layout ng National ID at idagdag ang pirma ng mga nais magkaroon nito.
Tutal, milyong ID pa ang hindi pa naidideliber sa mga tao, bakit hindi natin pansamantalang itigil ang pag-iimprenta para matugunan at mapagtagumpayan natin ang tunay na adhikain ng National ID na maging mabisa at kayang tumayo sa legal na transaksyon.
Hindi tulad ngayon na kaya lang tinatanggap ang National ID ay dahil ipinapakiusap ng pamahalaan na hindi ginawa ng Land Trasportation Office (LTO) at Department of Foreign Affairs (DFA), pero ginagalang ang inilalabas nilang ID at passport.
Hangga’t hindi tumitigil sa pakiusap at panawagan ang PSA na kung maaari ay gamitin naman ang National ID, patunay ito na may problema dahil kulang sa bisa o kapangyarihan ang naturang ID.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments