- BULGAR
National ID, target magamit sa 2023
ni Ryan Sison - @Boses | July 16, 2022
Target ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magamit ang National ID sa susunod na taon.
Ito ang sinabi ng Pangulo matapos ang pagpupulong kasama si Socioeconomic Secretary Arsenio Balisacan, kung saan tinalakay umano kung paano mapapabilis ang pag-imprenta ng 50 milyong National ID cards upang magamit sa unang bahagi ng 2023.
Matatandaang sinabi ng pamahalaan na magiging bahagi ng economic recovery plan ang paggamit ng National ID, dahil mahalaga ito sa banking at credit system.
Noong 2018, nilagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang Philippine System Identification Act (PhilSys Act), kung saan inaatasan nito ang gobyerno na gumawa ng single official identification card para sa lahat ng Pilipino at foreign residents na magkaroon ng single national identification number sa lahat ng transaksyon sa gobyerno.
Gayunman, sinabi ng Philippine Statistics Authority (PSA) noong 2021 na ang Bangko Sentral ng Pilipinas ay nag-iimprenta ng mahigit 70,000 national IDs kada araw, pero nagkaroon ng mga delay dahil sa dami ng nagparehistro.
Samantala, ayon sa Philippine Postal Corporation (Post Office), sa kasalukuyan ay umabot na sa 13.7 milyon o katumbas ng 94% ng kabuuang 14.5 milyong PhilSys IDs na nailipat sa kanila ang naideliber na sa mga may-ari.
Batid nating malaki ang silbi ng National ID gayung ayon sa pamahalaan ay bahagi ito ng economic recovery plan ng bansa. At kung agad na maibabahagi sa mga may-ari ang kanilang IDs, mas maaga itong mapapakinabangan. Ngunit hindi ito ang nangyayari sa kasalukuyan.
Kaya kung target na magamit ito sa unang bahagi ng 2023, panawagan natin sa mga kinauukulan na bilisan ang pag-imprenta at distribusyon.
Milyun-milyon pa ang naghihintay, kaya utang na loob, bilis-bilisan natin ang serbisyo.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.co