ni Eli San Miguel - Trainee @News | October 29, 2023
Isang araw bago ang Barangay and Sangguniang Kabataan Elections, nanawagan si Sen. Sherwin Gatchalian para sa paglulunsad ng national federation para sa SK.
Sa isang pahayag ngayong Linggo, iginiit ni Gatchalian ang kahalagahan ng isang pambansang organisasyon na nakatuon sa pagpapalakas ng gampanin ng mga lider ng SK sa pag-unlad ng bansa.
Noong 2022, isinumite ni Gatchalian ang isang panukalang batas na naglalayong baguhin ang Section 21 ng SK Reform Act of 2015. Sa ilalim ng mungkahing hakbang, itatatag ang Nasyonal na Pederasyon ng Sangguniang Kabataan at bubuuin ito ng mga halal na presidente ng Panlalawigang Pederasyon ng Sangguniang Kabataan.
Sinabi ng senador na mapalalakas ang networking at consensus-building sa pamamagitan ng paglikha ng pambansang organisasyon ng SK, na makasisiguro ng mas mataas na kahusayan sa pagtugon sa mga isyu sa pamamahala at pagpapatupad ng mga proyekto.
Nagbibigay din ng probisyon ang mungkahing hakbang na maglilingkod bilang ex officio na miyembro ng Union of Local Authorities of the Philippines ang mga nahalal na miyembro ng Nasyonal na Pederasyon ng Sangguniang Kabataan.
Comments