top of page
Search
  • BULGAR

National at LGUs, dapat tandem sa serbisyo-publiko

@Editorial | September 29, 2023


Sa panahon na hindi na maawat ang taas-presyo ng mga bilihin at serbisyo, kailangan talagang magkaroon ng kaagapay ang mamamayan sa pang-araw-araw na gastusin at iba pang pangangailangan.


Isa sa masasabing pinakamabilis na solusyon ay ang ayudang nagmumula sa gobyerno na mas mapapakinabangan kung mabilis ding maitatawid sa mga nangangailangan.


Kaya nga dapat na ipagpatuloy ang isinusulong na digitalization sa mga ayudang ibinibigay ng mga ahensya ng gobyerno.


Pag-aralan din kung puwedeng bawasan o wala ng maraming mga dokumento na kailangan kapag kukuha ng ayuda o benepisyo.


Mas malaking bagay din kung ang mga opisyal at kinatawan sa local government units (LGUs) ay sumasabay sa pagseserbisyo-publiko. Dahil sila ang higit at dapat na nakakaalam kung ano ang pangangailangan ng bawat pamilya. Marapat ding iwasan ang pamumulitika para hindi naaapektuhan ang paglilingkod sa taumbayan.


Matatandaang kamakailan ay nagkaroon ng banggaan sa pagitan ng Makati at Taguig LGUs dahil sa usapin ng teritoryo na sinasabing nahatulan naman na ng korte.


Bagama’t, dumating muna sa punto na nalito at naguluhan na ang kanilang mga residente kung kanino ba sila sakop. Sa gitna ng ganitong isyu, dapat ay magpatuloy ang paghahatid ng ayuda at benepisyo sa mga mamamayan lalo na sa mahihirap.


Tulad ng ginawa ng LGU sa 14 EMBO barangay na nalipat na sa Taguig na pinamumunuan ni Mayor Lani Cayetano. Tuloy ang pamimigay ng school supplies, scholarship allowances na hanggang P110K, ang mga senior citizen na nagbi-birthday ay may cash gift at maging ang mga may sakit ay nabigyan ng cash at non-cash assistance.


Kung lahat ng nasa local government unit ay nakikipagtulungan sa national government, kahit paano ay maiibsan ang kahirapan. Tigilan na ang pamumulitika, magpokus sa pagbibigay serbisyo sa publiko dahil ito naman ang ating sinumpaang tungkulin sa bayan.


0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page