top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Natauhan na 'di siya ganu'n ka-powerful… VICE, TANGGAP NA PINITIK NI LORD PARA MAGBALIK-LOOB

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 29, 2020
  • 3 min read

ni Vinia Vivar - @Frankly Speaking | September 29, 2020



Sa halip na magpatawa na normal niyang ginagawa sa kanyang mga YouTube vlogs, naging seryoso si Vice Ganda in her latest vlog habang ibinabahagi ang mga hindi magagandang pinagdaanan niya sa gitna ng pandemya.


Paalala nga niya sa introductory caption, iba ang mapapanood sa kanya sa vlog na ito at pansamantala niya munang isasantabi ang pagbibiro at pagpapatawa. Ito raw ang istorya na hindi natin alam.


Ayon kay Vice, sa simula raw ay hindi niya agad naramdaman ang epekto ng pandemya. Akala raw niya ay simple lang ito at mawawala rin agad. Pero nang tumagal na ang lockdown, dito na raw siya natakot.


“Unti-unti ko nang nararamdaman ‘yung ang tagal ko nang walang trabaho. Unti-unti ko nang nararamdaman ‘yung hindi yata kami makakabalik pa muna dahil bawal pa bumalik sa studio.


“Tapos, may mga namamatay na. Du’n ako nagsimula na mag-panic,” kuwento ni Vice.


Hanggang sa dumating sa puntong takot na takot na raw siya to the point na napapraning na siya kapag inubo at sinipon lang siya nang konti. Ayaw na rin daw niyang lumabas ng bahay at ayaw din niyang magpapasok ng ibang tao. Hindi rin siya nagpupunta sa bahay ng nanay niya dahil natatakot siyang baka may virus siya at mahawahan ito.


“Sobrang nabaliw ako,” aniya.


Habang napapraning siya sa COVID ay bigla namang natanggal sa ere ang ABS-CBN na isang panibagong krisis na naman daw na kanyang haharapin.


“Na sobrang laki ng epekto sa akin kasi ‘yun ang main source of kabuhayan ko, ‘yun ang main source ng hanapbuhay ko. And at the same time, ‘yung mga taong malalapit sa akin, ‘yun din ang main source ng hanapbuhay. So, paano na? Nawala kami sa ere.”


Habang hinaharap niya ang dalawang matinding dagok sa buhay niya ay bigla namang namatay ang kanyang best friend na kasama niya sa bahay nang ilang dekada na.

“Ang bigat!” seryoso niyang wika.


Hanggang sa maya-maya ay naging emosyonal na si Vice at aniya, hindi niya kaya ang ganu'ng sabay-sabay na problema. Hindi na raw niya alam kung paano ito sosolusyunan o malalampasan.


“Takot na takot ako sa COVID, takot na takot akong mahawa. Takot na takot akong magkasakit, takot na takot akong tuluyang magsara ang ABS-CBN, kasi mawawalan kami ng mga trabaho.


“Hindi lang dahil sa pera, of course, factor ang pera, totoo ‘yun, kailangan natin ng pera, pero ‘yung thought na hindi na ako makakapagtrabaho. Hindi na kasi ako sanay na hindi nagtatrabaho.


“‘Yung thought na mawawalan ako ng platform para makapagpatawa at saka ‘yung fact na ‘yung supporters ko, hindi ako makikita, hindi ko maririnig ang madlang people, takot na takot ako ru’n.


“Tapos, takot na takot ako na isa-isang nawawala ‘yung mga taong malapit sa akin. Una, parang nawala ang pamilya ko sa akin physically kasi hindi ako makapunta sa bahay ng nanay ko, kasi hindi rin sila makapunta sa akin,” aniya.


Dahil sa mga sunud-sunod na dagok, may isang bagay siyang na-realize.


“Hindi pala ako ganu’n kalakas at kailangan kong maramdaman na hindi ako ganu'n kalakas para kumapit ako ru’n sa pinakamalakas,” pag-amin ni Vice.


Dahil for the longest time ay maraming umaasa at naniniwala sa mga desisyon at diskarte niya, inakala raw niyang kaya niya ang lahat.


“Akala ko, lahat ng problema ay kaya kong gawan ng paraan. I thought I could be in control all the time. But now, it’s very clear, I cannot be in control of everything.”


Kaya nagpapasalamat daw siya sa Diyos na kahit nasasaktan at nahihirapan siya ay may natututunan naman daw siya.


“‘Yun ang ipinagpapasalamat ko, dahil may iminumulat sa akin si Lord. Hinuhubaran ako ni Lord, eh. Hinuhubaran ako ni Lord ng kumpiyansa, lakas, binabawasan niya ako ng tapang para bumalik ako sa Kanya, para ma-realize kong ako lang ‘to. Ako lang ‘to, eh. Hindi ko kaya lahat. Kailangang bumalik ako sa Kanya,” pahayag ni Vice Ganda.


At ang isa pang malaking ipinagpapasalamat niya sa Diyos ay ang ibinigay daw sa kanya si Ion Perez dahil hindi niya ma-imagine kung ano ang mangyayari sa kanya habang pinagdaraanan niya ang lahat ng pagsubok na ito kung wala ang dyowa sa kanyang tabi.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page