Nat'l volleyball squad, kukuha ng bigating collegiate athletes
ni GA - @Sports | June 27, 2022

Mukhang kakailanganin ng national volleyball squad ang tulong ng collegiate student-athletes mula sa UAAP na pangungunahan nina UAAP Rookie-MVP Mhicaela Belen ng National-U Bulldogs, Faith Nisperos ng Ateneo Blue Eagles at Ejiya Laure ng Santo Tomas Growling Tigresses para katawanin ang national women’s team sa 2022 Asian Volleyball Confederation (AVC) Cup sa Agosto.
Puntirya ng Philippine National Volleyball Federation (PNVF) na tapikin ang collegiate players para sa pandaigdigang kompetisyon sakaling matuloy ito, kaya’t inamin ni commissioner chair Tony Liao na nagdesisyon ang grupo na maaaring sumali sa Agosto 21.
“It's because of the problem with the training of the national team. If we will again get players from the PVL, which will have an ongoing Invitational Conference, they won't have time to train with the national team like what happened for the SEA Games,” saad ni Liao sa lingguhang PSA Forum Martes ng umaga sa Century Park Hotel. “Tapos na yung UAAP, so I think yung players from the collegiate will have more time to train with the national team.”
Naging malaking hamon at karanasan para sa national women’s team ang nakalipas na 31st SEA Games sa Hanoi, Vietnam, kaya’t nakatuon ang pansin ng PNVF na magkaroon ng matinding paghahanda para sa national squad, lalo pa’t hindi makakasali ang mga professional athletes mula sa Premier Volleyball League (PVL).
Mayroon na umanong listahan si Brazilian head coach Jorge Souza de Brito na 22 players na puwedeng imbitahan mula sa iba’t ibang eskwelahan ang maaaring maging parte ng national squad.
Bukod kina Belen, Nisperos at Laure, ilan pa sa mga puwedeng tawagin ulit ng national squad sina National-U Ivy Lacsina, Jennifer Nierva, at Kamille Cal, gayundin sina Imee Hernandez, at Bernadette Pepito para sa Rebisco team na lumahok sa nagdaang 2021 Asian Women's Club Volleyball Championship sa Thailand.
Sakaling maging impresibo ang ipakikitang laro at samahan ng mabubuong grupo ay sila ang ipadadala sa 32nd SEAG sa Cambodia sa 2023.





Comments