Nasawi sa leptospirosis, 133 na, publiko magdoble-ingat
- BULGAR
- Jul 26, 2024
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | July 26, 2024

Nanawagan na rin ang National Kidney and Transplant Institute (NKTI) hinggil sa panganib na dulot ng sakit na leptospirosis sa mga kababayang posibleng lumusong sa tubig-baha matapos ang pananalasa ng Bagyong Carina at Habagat.
Ayon sa NKTI, dapat mag-ingat ang mga mamamayan laban dito lalo na’t itinuturing na rin ng mga health expert na nakakamatay ang naturang sakit.
Bukod dito, maaari umanong magdulot ito ng habambuhay na dialysis o gamutan, dala na rin ng long-term effect ng leptospirosis sa katawan ng magiging biktima nito.
Kaya naman pinaiiwas ng NKTI ang publiko na lumusong sa baha, subalit kung hindi maiiwasan ay gumamit na lamang ng proteksyon sa paa gaya ng bota.
Nauna na ring pinaalalahanan ng Department of Health (DOH) ang taumbayan sa public health risk ng leptospirosis dahil sa mga pagbaha.
Babala ng kagawaran, may sugat man o wala, ay maaaring makakuha ng naturang sakit sa pamamagitan ng paglusong sa mga tubig-baha o kaya naman ay paghawak ng lupa, putik, o maruruming bagay na maaaring kontaminado ng ihi ng daga o iba pang hayop.
Batay sa DOH hanggang nitong Hulyo 13, umaabot na sa 133 pasyente na naitala nilang nasawi sa leptospirosis.
Ang leptospirosis ay isang bacterial infection na nakukuha sa mga tubig-baha, lupa at maging sa vegetation na kontaminado ng ihi ng mga hayop, at higit sa lahat ng daga.
Puwede umanong makapasok sa katawan ng indibidwal ang leptospira bacteria sa mga sugat sa balat o kaya ay sa mata, ilong at bibig.
Sinabi rin ng kagawaran na ang mga sintomas na maaaring lumitaw, isang buwan makaraang malantad sa naturang sakit ay lagnat, pagsusuka, pagduduwal, pananakit ng ulo at kalamnan.
At sakaling hindi agad ito magamot, maaaring magdulot ng kidney damage, meningitis o pamamaga ng membrane sa paligid ng utak at spinal cord, liver failure, hirap sa paghinga, habang kalaunan ay ating ikamatay.
Mainam na agad naglabas ng babala ang mga ahensya ng pamahalaan sa sakit na maaari nating makuha matapos ang mga pag-ulan at pagbaha sa maraming lugar.
Maliban kasi sa pagdami ng kaso ng leptospirosis, siguradong tataas din ang bilang ng mga madadale ng dengue na isa ring nakamamatay na sakit.
Kaya sa ating mga kababayan, magdoble-ingat tayo, alagaan natin ang sarili gayundin ang pamilya, at kung maaari ay manatili na lang muna tayo sa bahay dahil hindi natin alam kung kailan tayo puwedeng tamaan ng anumang karamdaman.
Alalahanin natin na mahirap na magkasakit at lalong napakahirap kung ang pagkakasakit ay mauwi sa kamatayan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments