Nasaan na ang kapayapaan at pagkakaisa ng iba’t ibang bansa sa buong mundo?
- BULGAR
- Nov 20, 2022
- 2 min read
ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | November 20, 2022
Mailap ang kapayapaan. Libong taon na itong hinahanap ng maraming bayan subalit pabalik-balik ang hindi pagkakaunawaan hanggang magmistulan itong imposibleng pangarap.
Ganyan ang malungkot na kasaysayan ng mga Palestino at Israeli, libong taong ipinaglalaban ang kani-kanyang bersyon ng karapatan, katotohanan at kalayaan.
Una nating dinalaw ang Jerusalem noong 1986 pagkatapos ng People Power revolution. Ipinadala ni Jaime Cardinal Sin, kaming limang paring mag-aaral mula sa Archdiocese ng Maynila sa Jerusalem. Nasa Roma kami noong mga panahong na naghahanap ng paraan upang suportahan ang mapayapang pagkilos laban sa nakamamatay na diktadurya ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Naidaos namin ang ilang mapayapang pagkilos sa Roma upang suportahan ang rebolusyong nagaganap sa ating bansa. Lumahok din ang simbahan sa mapayapang rebolusyon. Malinaw ang papel ng ilang Obispo, pari, relihiyoso at layko sa mapayapang rebolusyon ng EDSA. Kilala ang naging papel ni Jaime Cardinal Sin, kaya ng mapilitang tumakas at lumikas ang mga Marcos, nagkaroon ng ilang taong kapayapaan.
Nagsimula ang bagong pamamahala pagkatapos ng 21-taon ng naturang “One Man Rule”. Sa buong akala na natapos na’t hindi na uulit ang malagim, mapang-api at mapanlinlang pamamahala sa ilalim ng diktadurya, naging panatag at labis na komportableng buhay ng maraming mamamayan. At sa panahon ng pansamantalang kapayapaan, bumalik tayo sa Jerusalem noong 2000. Subalit, ganun pa rin noong taong ‘yun ang sitwasyon. Naroon pa rin ang pader na humahati at naghihiwalay sa mga magkatunggaling puwersa ng Palentinya at Israel. Natapos ang aming munting paglalakbay sa Jerusalem at masayang umuwi ang mga sumama na may ibayong sigla ang pananampalataya sa Diyos at mapagmahal na pakikitungo sa kapwa tao.
At ngayon, sa ika-36-taon mula nang matapos ang mapayapang rebolusyon sa EDSA ay narito ulit ako sa Jerusalem. Wala nang Cardinal Sin na nag-uudyok na maging alerto; huwag matakot ipahayag ng katotohanan ng Ebanghelyo; kumiling sa mga inaapi at pinagsamantalahan, sa mahihirap at pinababayaan ng lipunan.
Hindi ito magiging madali. Kitang-kita kung gaano kahirap at puno ng tinik ang landas tungo sa kapayapaan, katarungan at kalayaan. Kitang-kita ito ng mga nakibahagi sa banal na paglalakbay (pilgrimage) sa Jerusalem. Kahit saan kami magpunta, kitang-kita at damang-dama ang epekto ng pader na humahati sa Palestinya at Israel. Kitang-kita ito maging sa loob ng mga banal na Simbahan at Templo. Nang dalawin namin ang Simbahan ng Kalbaryo, sa looban ng simbahan, muli nating nakita kung paano nahahati ang simbahan sa pamamahala ng tatlong relihiyon—ang Russian Orthodox, Katoliko at Hudyo—walang away.
Habang nagdarasal sa itinuturing na lubhang banal na lugar ng Jerusalem, naisip ko rin ang mahal nating bansa. Hindi nalalayo ang ating sitwasyon. Iba’t ibang relihiyon, partido at kultura. Nagkakaisa ba? Sama-sama bang nagsisikap para sa kapayapaan?
Mula sa unang dalaw natin sa Jerusalem noong 1986, katatapos pa lang ng unang EDSA, hanggang sa pangalawang dalaw noong 2000 at ngayong 2022, 36-taon na ang nakararaan, nasaan na tayo? Nasaan na ang kapayapaan at pagkakaisa ng iba’t ibang bansa sa buong mundo?
Hindi lang relihiyon at pulitika ang humahati sa ating lahat. Nahahati rin tayo ng pagtingin at pakikitungo natin sa kalikasan. Bagay na materyal, pera lang ba ito?
Kaya’t hindi natatapos ang panalangin at mapayapang pagkilos tungo sa pagkakaisa at kapayapaan. Hindi natatapos ang sama-samang paglalakbay ng lahat tungo sa kapayapaan.








Comments