Nasa 16 metro na… Second alarm, itinaas sa Marikina River dahil kay ‘Paeng’
ni Lolet Abania | October 29, 2022

Itinaas na sa ikalawang alarma ng Marikina City government ang Marikina River ngayong hapon ng Sabado, matapos na tumaas ang water level nito dahil sa malakas na ulan dulot ng Severe Tropical Storm Paeng na may international name na Nalgae.
Alas-1:50 ng hapon, umabot na ang water level sa 16 metro.
Dahil nasa second alarm, dapat nang lumikas ang mga residenteng nasa low-lying o mabababang lugar at flood-prone areas.
Ayon sa Marikina City Public Information Office, lahat ng walong floodgates ng Manggahan Floodway ay binuksan na.
Sinabi rin ng local government unit (LGU) na ang rainfall upstream na may kabuuang 102 mm ay nasukat base sa mga sumusunod na lugar:
• Mt. Campana: 11 mm
• Mt. Boso Boso: 16 mm
• Mt. Aries: 21 mm
• Mt. Oro: 32 mm
• Nangka: 22 mm
Sa ilalim ng alarm level system ng Marikina City, ang first alarm ay itinataas kapag ang water level ay umabot sa 15 meters above sea level, kung saan ang mga residente ay kailangang maghanda o “prepare.”
Itinataas naman sa second alarm kapag ang water level ay umabot sa 16 meters (ang mga residente ay dapat mag-evacuate), at sa third alarm kapag ang tubig ay umabot sa 18 meters (magpapatupad ng forced evacuation).
Una nang itinaas sa unang alarma ng alas-12:03 ng tanghali ngayong Sabado, matapos na ang water level ay umabot sa 15 meters.
Samantala, sa 2PM bulletin ng PAGASA, ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 3 ay itinaas na sa buong Metro Manila.
Ayon sa PAGASA, malakas hanggang sa matinding buhos na may paminsan-minsang torrential rains ang mararanasan sa buong Metro Manila ngayong Sabado habang ang Bagyong Paeng ay patuloy na tumatahak westward o pakanluran.





Comments