top of page
Search
  • BULGAR

Napupuno pa rin ang mga ospital sa COVID-19 patients kahit libu-libo na ang mga gumagaling

ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | April 21, 2021



PURO ‘TIKTOK’ ANG INAATUPAG NI NOGRALES KAYA SIGURO HINDI NAMALAYAN ANG DAMI NG MGA NAGUGUTOM—Itinalaga ni P-Duterte si Cabinet Sec. Karlo Nograles bilang zero hunger czar para tiyaking walang magugutom na mamamayan sa panahon ng krisis, pero hindi nito nagampanan ang kanyang tungkulin kaya nauso ang “community pantry”.


Hay naku, puro “TikTok” yata ang inaatupag ni Nograles kaya hindi namalayang marami na ang nagugutom na nagdulot para mabatikos na naman ang pamahalaan kasi ang mandato ng gobyerno na pakainin ang mga kababayang naghihikahos ang buhay sa gitna ng pandemya ay sama-samang ginagampanan na ng mamamayan sa pamamagitan ng mga “community pantry”, boom!

◘◘◘


SABI NG DOH, LIBU-LIBO NA ANG GUMAGALING SA COVID-19, PERO ANG MGA OSPITAL AY PUNO PA RIN NG COVID-19 PATIENTS—Totoo nga kaya ang ibinibida ng Department of Health na kahit marami ang tinatamaan ng COVID-19, marami ang nakarerekober sa virus?


Kung totoo ‘yan ay mainam, pero kung panloloko sa publiko ay bad ‘yan!


Kataka-taka kasi na habang ibinibida ng DOH na araw-araw ay libu-libo na ang gumagaling sa virus ay hanggang ngayon ay puno pa rin ng mga pasyenteng may COVID-19 ang mga public at private hospitals sa iba’t ibang panig ng bansa, period!


◘◘◘


SUBUKAN NI GOV. REMULLA NA IPATIGIL ANG “PERYA NG BAYAN” AT BAKA SAKALI AY BUMABA ANG BILANG NG MGA NAGKAKA-COVID SA CAVITE—Sa mga lugar na sakop ng National Capital Region (NCR)-plus bubble, sa Cavite ang itinala ng DOH na maraming active cases ng COVID-19 na pumalo na sa higit 9-K.


Subukan kaya ni Gov. Jonvic Remulla na ipatigil ang operasyon ng ala-jueteng na “Perya ng Bayan” nina “Mr. Yap”, “Manalac” at “Jun Moriones” sa Cavite at baka sakaling bumaba ang bilang ng mga nagkaka-virus sa kanyang nasasakupan kasi simula nang magbahay-bahay para magpataya ang mga kubrador ay dumami na ang mga nagka-COVID-19 sa lalawigang ito, boom!


◘◘◘


NAPABAYAAN NA YATA NI MAGALONG NA PAGIGING MAYOR KAYA NAGSULPUTANG PARANG KABUTE ANG MGA ILEGALISTA SA BAGUIO CITY—Nagkalat na naman ang iba’t ibang raket ng mga ilegalista sa Baguio City.

May pa-mini-casino si “Patrick” sa Legarda-Dampa at may pa-drop balls at color games naman sina “Jimmy” at “Edna” sa Magsaysay; “Nestor” at “Biagtan” sa Kayang; at “Andy” at “Uldak”, pawang sa lungsod na ito.


Dapat mag-resign na si Magalong bilang contact tracer czar kasi parang napapabayaan na niya ang pagka-alkalde kaya hindi na namo-monitor na sa gitna ng pandemyang COVID-19 ay nagsusulputan nang parang kabute ang raket ng mga ilegalista sa Baguio City, period!

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page