top of page
Isko Moreno Domagoso - FB.jpg

Napakagarbong New Senate Bldg. ‘di katanggap-tanggap, kasi ang daming Pinoy na naghihirap

Writer: BULGAR
BULGAR
Jun 12, 2024
2 min read

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | June 12, 2024



Prangkahan ni Pablo Hernandez


TAGA-MALABON NA SI ‘AGING’ NAGPA-JUETENG SA GAPO -- Lumutang ang alyas na “Aging” na taga-Malabon City ang operator daw ngayon ng jueteng sa Olongapo City.


Aba’y dapat atasan agad ni Olongapo City Mayor Rolen Paulino Jr. si City Police Chief, Col. Charlie Umayam na “tokhangin” si “Aging” at ipa-stop ang jueteng sa lungsod kasi hindi katanggap-tanggap na may isang gambling lord mula sa Malabon ang dumayo para biktimahin sa raket na jueteng ang mga taga-Gapo, period!


XXX


KAPAG ULO NI QUIBOLOY NILAGYAN NG REWARD, MALAMANG MAY MAGTURO NA SA PINAGTATAGUAN NIYA -- Hirap ang iba’t ibang law enforcement agency ng Marcos administration na mahuli si Pastor Apollo Quiboloy na nahaharap sa mga kasong child sexual abuse at child sex trafficking.


Mahihirapan talagang mahuli kasi walang reward, ibig natin sabihin, lagyan lang ng Marcos admin ng halaga sa ulo si Quiboloy ay siguradong madali na itong mahuhuli dahil tiyak may maghahangad sa “patong” sa ulo ng pastor, para ituro ang pinagtataguan nito, boom!


XXX


MAS HAHANGAAN SI SP CHIZ KUNG GAGAWIN NIYANG BRANCH NG UP ANG NEW SENATE BLDG. PARA LIBU-LIBO PA ANG MAKAPAG-ARAL KESA MAGING OPISINA LANG NG 24 SENADOR -- Nagpasya si Senate President Chiz Escudero na ipa-stop ang konstruksyon ng New Senate Building sa BGC, Taguig City nang mabuwisit ito sa contractor na nanghihingi pa ng karagdagang P10 billion gayong P8.9 billion lang ang original cost nito.


Hinangaan ng publiko si SP Chiz sa desisyon niyang ito kasi hindi katanggap-tanggap na maraming Pinoy ang naghihirap ay dadagdagan pa ng ganyan kalaking halaga (P10 B) ang gastos sa New Senate Building.


Mas hahangaan si SP Chiz kung magpapasya siya na ang napakalaking New Senate Building na ito ay gawing sangay ng University of the Philippines (UP) para libu-libong kabataan pa ang makapag-aral sa kolehiyo kaysa pag-opisinahan lang ng 24 senador at kanilang mga staff, period!


XXX


TITO, PING AT PACQUIAO, NAG-YES NOON SA PAGPAPAGAWA NG NEW SENATE BLDG. KAYA’T ANG TANONG: DAPAT PA BA SILANG IBOTO? -- Ang pagpapagawa ng napakagarbo at napakalaking New Senate Building sa Taguig City ay hindi katanggap-tanggap sa publiko kasi 24 senador at mga staff lang nila ang mag-oopisina r’yan, tapos ganyan kagarbo at kalaki ang ipinagawa na binadyetan ng bilyun-bilyong pisong mula sa pera ng bayan.


Pinagbotohan ng mga senador noong 2017 ang konstruksyon nito at 14 na senador ang nag-“yes” para sa New Senate Building, at sa mga senador na ito, ang tatlo rito ay nagpahayag na muling kakandidato sa pagka-senador sa 2025 election at sila ay sina former Senators Tito Sotto, Ping Lacson at Manny Pacquiao.


Ngayon, nasa pagpapasya na ng mamamayan kung karapat-dapat pa ba nilang iboto para maging senador uli sina Tito, Ping at Pacquiao, boom!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page