Nangyari sa mag-inang Reina Nasino at baby River, maging “wake up call” sa pamahalaan
- BULGAR
- Dec 6, 2020
- 2 min read
ni Nancy Binay - @Be Nice Tayo | December 06, 2020
Kalusugan at kapakanan ng ina at anak sa kulungan, kailangang siguruhin.
Ito ang matagal nating panawagan sa mga awtoridad sa simula pa lang ng ating termino bilang mambabatas, dahil na rin sa maaaring epekto nito sa bata habang lumalaki.
Alam nating pinapasan din ng mga bata ang pagkakakulong ng mga magulang nila. Bukod sa apektado ang kanilang mental development at social behavior, hinaharap din nila ang diskriminasyon at social stigma na dulot ng pagkakaroon ng magulang na nakakulong.
Sa maraming pagkakataon, ang mga batang nahiwalay sa kanilang mga magulang ay nakukulong din, dahil na rin sa kakulangan ng matatandang aalalay at magtataguyod sa kanilang kapakanan.
Ito ay ilan sa ating sinabi nang tayo ay maimbitahan kamakailan na magsalita sa webinar na inorganisa ng Tanggol Bayi, Women’s Legal and Human Rights Bureau, National Council of Churches of the Philippines, at UP Portia Sorority.
☻☻☻
Sa ating mensahe bilang pakikiisa sa International Day to End Violence Against Women, sinabi nating sana’y magsilbing “wake up call” para sa ating mga nasa pamahalaan ang nangyari sa mag-inang Reina Nasino at baby River upang tingnan ang kalagayan ng mga ina at mga anak na nasa loob ng bilangguan.
Matagal na nating sinusulong ang pagkakaroon ng alternatibong moda ng confinement para sa kababaihan, lalo na ‘yung buntis at magulang na nakakulong, “for humanitarian and compassionate reasons”.
Kamakailan, inihain natin ang “An Act Creating Programs for Incarcerated Parents and their Children” upang matulungan ang mga magulang na paunlarin at panatilihin ang relasyon nila sa kanilang mga anak habang sila ay nakakulong.
Bagama’t hindi ito naipasa, hindi tayo tumigil at muling inihain ito sa kasalukuyang Kongreso. Nananatili tayong positibo na maipapasa ito ngayon.
☻☻☻
Sa panukalang ito, nais nating magkaroon ng mekanismo upang matulungan ang mga magulang, lalo na ‘yung mga solo parents, na magampanan ang kanilang obligasyon sa pagpapalaki ng kanilang anak.
Importanteng probisyon nito ay ang pagkakaroon ng kapangyarihan ng Commission on Human Rights (CHR) at iba pang tulad na institusyon na magsagawa ng independent monitoring sa mga kulungan.
Kasama rin dito ay ang pagsasagawa ng regular at “unannounced” na inspeksiyon. Ito ay upang mas mapangasiwaan ang mga pasilidad at ma-monitor ang kapakanan ng mga nakakulong.
At ngayong nilalabanan natin ang COVID-19, kailangan din nating mabisita at ma-review ang kasalukuyang polisiya at protocol ng BJMP pagdating sa mga nakakulong, lalo na sa kababaihang buntis. Ito ay upang masiguri na ang access nila sa medical care at facilities ay nananatiling angkop sa kasalukuyang panahon.
☻☻☻
Paalala lamang sa lahat na manatili sa loob ng bahay, ugaliing maghugas ng mga kamay, bigyang-halaga ang kalusugan, at huwag kalilimutang magdasal.
Malalagpasan din natin ito.
Be Safe. Be Well. Be Nice! ☻
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay





Comments