Nangmanyak kay Xyriel Manabat... Grab driver, tinuluyan ng LTFRB
- BULGAR

- 3 hours ago
- 1 min read
ni Jeff Tumbado @News | April 13, 2026

Naglabas ng “show cause order” o SCO ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) laban sa Transport Network Vehicle Service (TNVS) driver na nag-post ng larawan kasama ang aktres na si Xyriel Manabat na may umano’y bastos at sekswal na caption.
Sa ilalim ng SCO, inatasan na ang lalaking driver na sumailalim sa mandatory drug test at magsumite ng plaka at iba pang dokumento na may kinalaman sa kanyang prangkisa o awtoridad na mag-operate.
“Walang sinumang babae ang nararapat tratuhin nang ganito. Ito ang dahilan ng ating Bawal Bastos campaign, at magsisilbi itong batayan at inspirasyon sa pagpapanagot sa driver na ito,” ayon kay LTFRB Chairperson Atty. Vigor Mendoza II.
Sinuspinde na rin ng LTFRB ang operasyon ng naturang unit ng TNVS, at tiniyak na pananagutin nila ang driver na sangkot sa insidente.
Una nang nag-viral sa social media ang insidente matapos umanong mag-post ang driver ng larawan ng aktres na may kalakip na malisyosong caption. Naglalaman din ito ng hindi angkop na komento na umani ng batikos mula sa netizens.
Ipinahayag naman ni Manabat ang kanyang pagkadismaya at galit sa nangyari, at iginiit na hindi dapat pinapalampas ang ganitong uri ng asal.




Comments