Nangholdap sa bakery… Pulis, 5 pa, patay sa shootout sa Cotabato – PNP
ni Lolet Abania | November 25, 2022

Anim ang patay, kabilang na ang isang police officer, matapos ang isang shootout sa naganap na pagnanakaw sa M’lang, Cotabato, ayon sa Philippine National Police (PNP).
Sa isang press conference ngayong Biyernes, sinabi ni PNP chief Police General Rodolfo Azurin Jr., patuloy na nagsasagawa ang pulisya ng pursuit operations para sa ikadarakip ng walo pang suspek.
“Ongoing ang hot pursuit operation natin. Patuloy ang paghahabol ng ating kapulisan sa walong pang suspects na nagholdap sa bakery at tsaka arozcaldohan,” pahayag ni Azurin.
Ayon sa Police Regional Office 12, apat na suspek, isang PNP personnel, at isang sibilyan ang nasawi sa nangyaring shootout, habang dalawang police officers at dalawang sibilyan naman ang nasugatan.
Kinilala ang dalawang namatay na biktima na sina Police Staff Sergeant Rudy Amihan at Jack Gumilao, isang sibilyan.
Sa report ng pulisya, nitong Miyerkules ng hapon, 12 armadong indibidwal ang nagawang magnakaw sa isang bakery sa Barangay Bagontapay habang natangay ng mga ito ang tinatayang P17,000 cash.
Dito, binaril ng mga suspek ang dalawang kostumer na sina Gumilao at Jose Patlubay.
Ayon sa mga awtoridad, agad na tumakas ang mga suspek, kung saan naghiwalay pa ang grupo nang makita ng mga ito ang isang checkpoint sa Barangay Gaunan.
Gayunman, ilan sa mga salarin ang nakasagupa ng M’lang police sa Sitio Quitos, Barangay Dugong na nagresulta sa pagkamatay ng dalawang armadong suspek.
Isa pang team ng pulisya ay nakalaban naman ang dalawa pang suspek sa Purok 9, Barangay Sangat, kung saan tinamaan si Amihan ng bala ng baril sa kanyang dibdib at namatay.
Dalawa pa sa mga suspek ang namatay din na sinubukan namang tumakas sa lugar.
Narekober ng mga awtoridad mula sa mga suspek na nasawi sa Bgy. Dugong, ang isang caliber .45 pistol na may magazine, isang caliber. 45 colt M1911a1 na may magazine, at cash na nagkakahalaga ng P1,200.
Nakakuha naman ang pulisya mula sa mga namatay na suspek sa Bgy. Sangat ng isang Para (Pistol) 1941 na may steel magazine; isang colt.45 na may steel magazine, dalawang piraso ng steel magazine para sa .45 caliber, at cash na nagkakahalaga ng P1,620.





Comments