top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Nanghinayang si Coach Dooley sa 0-0 ng Azkals kontra Yemen

BULGAR
Jun 10, 2022
2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | June 10, 2022



Dumaan sa pansamantalang lubak ang kampanya ng Pilipinas sa 2023 AFC Asian Cup Qualifiers matapos ang isang walang goal na tabla sa Yemen noong Miyerkules sa Ulaanbaatar, Mongolia. Kahit dominado ng Azkals ang laban, hindi dumating ang inaasahang magpapanalong goal, isang bagay na pinanghinayangan ng nagbabalik na Coach Thomas Dooley.

Sa kanyang unang opisyal na laro buhat noong 2018, sinita ng Amerikanong coach ang kakulangan ng disiplina ng Azkals sa laro at masyadong nagmadali upang makakuha ng goal. Bunga ng resulta, dapat manalo ang Pilipinas sa mga nalalabing laro nila simula kontra host Mongolia sa Sabado at Palestine sa Martes.

Nasa panig ng Azkals ang bola ng 67% ng oras kaya panay ang bomba sa goal ng Yeman subalit hindi nakisama ang bola. Matapang na hinarang din ni Neil Etheridge ang mga atake ng Yemen.

Ipinasok si Bienvenido Maranon sa ika-60 minuto upang buhayin ang opensa ngunit kinapos pa rin kahit nagdagdag ng tatlong minuto sa orasan ang reperi. May huling hirit ang Yemen sa ika-92 minuto subalit madaling sinalo ni Etheridge ang bola.

Kumpara sa mga Pinoy na maagang dumating sa Mongolia, naantala ang lakbay ng mga Yemeni at hindi sila nagkaroon ng sapat na ensayo at masanay sa klima. Subalit sinabayan nila ang Azkals at naisalba ang ikatlong sunod na tabla sa mga tapatan ng dalawang bansa buhat pa noong 2017 AFC Asian Cup Qualifiers.

Kinuha ng Palestine ang maagang liderato sa Grupo B matapos magwagi sa host Mongolia sa sumunod na laban, 1-0. Ipinasok ni Oday Dagbah ang penalty kick sa ika-85 minuto upang makaiwas na tumabla ang apat na koponan sa grupo.

Ang Pilipinas at Yemen ang natatanging tabla sa 12 nakumpletong laro noong Miyerkules. Ang mga tutuloy sa AFC Asian Cup ay ang anim na numero uno sa anim na grupo at ang lima na may pinakamataas na kartada sa anim na mga magtatapos ng pangalawa.


Laro ngayong Sabado – Ulaanbaatar, Mongolia 12:30 PM Pilipinas vs. Mongolia.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page