Nang-hack ng mga gov’t email at website, mula sa China
ni Ryan Sison @Boses | Pebrero 6, 2024
Pinaniniwalaang ang mga hacker na nag-o-operate sa China ang nag-breach sa email systems at internal websites ng ilang ahensya ng gobyerno na gumamit ng cloud service provider habang nangangalap ng mga impormasyon.
Ayon kay DICT Undersecretary for Cybersecurity Jeff Ian Dy, sa pakikipagtulungan ng kagawaran sa isang cloud service provider ay na-detect at napahupa nila ang sitwasyon mula sa higit pang paglala nito sa pamamagitan ng pag-shut down ng access ng mga hacker.
Sinabi ni Dy na napigilan nila ang tangkang pag-hack sa website ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) habang natunton din ang IP address ng mga umatake na nanggaling sa China Unicom, o China United Network Communications Group na isang Chinese state-owned telecommunications company. Aniya, nagawa rin ng kagawaran na matunton ang command at control center ng mga cyber-attacker na nag-o-operate sa China.
Nilinaw naman ni Dy na maaaring walang direktang kinalaman ang gobyerno ng China sa cyberattack, subalit ang operasyon nito ay nanggaling lamang sa loob ng Chinese territory.
Iginiit din ng opisyal na posibleng isa sa tatlong notorious hacking groups kabilang ang Lonely Island, Meander at Panda na pinaniniwalaang mga advanced threat group na nag-o-operate ng teritoryo sa China, ang umatake sa Pilipinas.
Binigyang-diin naman ni Dy na target ng mga hacker ay mga government email at websites o iyong mayroong mga “gov.ph” domain.
Aniya, kabilang sa mga email domain na tinitiktikan ng mga hacker ay cabsec.gov.ph, coastguard.gov.ph, cpbrd.congress.gov.ph, dict.gov.ph, doj.gov.ph, ncws.gov.ph at ang website ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Matatandaang, una nang hinack ang ilang website ng ahensya ng gobyerno gaya ng PhilHealth, Philippine Statistics Authority (PSA), Philippine National Police (PNP) at Department of Science and Technology (DOST).
Nakakabahala ang mga naganap na pag-atake ng mga hacker sa mga email at website ng gobyerno.
Mabuti at kumilos din agad ang kinauukulan upang hindi na tuluyang mapasok ang ibang domain ng ahensya ng pamahalaan.
Marahil dapat tayong magtulungan, kabilang ang gobyerno, iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, pribadong sektor lalo na iyong may kaalaman at bihasa rito, at mga mamamayan, para labanan ang posible pang pag-atake bago lumala at masakop na ang ating bansa.
Maaaring nagpapahinga lamang ang mga ito sa ngayon, subalit magagawa nila na umatake uli, kaya dapat na paigtingin natin ang ating mga website firewall at protektahan ang mga systems, habang kailangang paghandaan natin ito nang mabuti.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments