Nang-aabusong titser, dapat nang sampolan!
ni Ryan Sison - @Boses | September 1, 2022
“We have zero-tolerance for any form of abuse in our schools.”
Ito ang pahayag ni Department of Education (DepEd) Spokesperson Michael Poa matapos lumutang ang diumano’y sexual harassment ng anim na guro sa isang high school sa Cavite.
Kasalukuyan na umanong nakikipagtulungan ang DepEd sa Schools Division Office (SDO) sa Bacoor, Cavite, upang imbestigahan ang naturang mga guro. Kasabay nito, tiniyak ng opisyal na hindi nila isasawalambahala ang naturang isyu.
Hindi umano binigyan ng anumang teaching load ang mga guro habang iniimbestigahan ang insidente. Samantala, hinikayat naman ang mga estudyante na maghain ng pormal na reklamo.
Una rito, nag-viral ang isang Twitter post kung saan inaakusahan ng ilang estudyante ang mga naturang guro ng sexual harassment.
Isa umano sa mga nasabing guro ay nagpo-post pa ng larawan ng mga estudyante sa kanyang social media accounts. Habang may isang estudyante pa umanong nagsabi na inalok siya ng isa sa mga guro na maging kabit nito. Bagama’t tumanggi ang estudyate, nagpumilit pa umano ang guro at sinabing hindi naman siya mahuhuli.
Sa totoo lang, nakakadismaya at nakakabahala na may mga ganitong insidente. Ang masaklap pa, mga guro ang sangkot.
Hindi natin nilalahat, pero ang mga ganitong klase ng guro ay maaaring magdulot ng takot sa mga bata. Imbes na pagkatiwalaan ng mga mag-aaral, gayundin ang kanilang mga magulang, kabaligtaran pa ang mangyayari.
Habang dumadaan sa imbestigasyon ang naturang insidente, hangad nating magsilbi itong paalala sa ating mga guro na kayo ay pangalawang magulang ng mga mag-aaral. Isa pa, obligasyon n’yong gabayan ang mga estudyante habang nasa paaralan.
Pakiusap natin sa mga kinauukulan, tiyaking mapapanagot ang mga naturang guro kapag napatunayang may sala ang mga ito.
Higit sa lahat, panawagan nating tiyakin ang kaligtasan ng mga mag-aaral laban sa anumang uri ng harassment.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments