Namemeke ng COVID-19 test results, ‘wag palampasin!
ni Ryan Sison - @Boses | April 09, 2021
Sa kabila ng kaalamang ipinagbabawal ang paggamit ng pekeng COVID-19 test result, tuloy pa rin ang ilan nating kababayan sa paggamit nito.
Tipong, alam na ngang maaaring magdulot ng panganib sa sarili at kapwa, sige pa rin sa pagpapasaway para lang maitaguyod ang mga lakwatsa.
Kaugnay nito, kamakailan ay nahuli ang 15 pasaherong nagbigay ng pekeng COVID-19 test result sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ayon sa Philippine National Police (PNP), papuntang Davao at Zamboanga City mula Maynila ang mga nahuli.
Dahil dito, nagbabala ang PNP na mapanganib ang pamemeke ng mga dokumento, at kasabay nito ang paalala na maging maingat at sundin ang mga travel protocols.
Samantala, mahaharap sa kasong falsification of public documents at paglabag sa Republic Act No. 11332 o Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act ang mga nahuli.
Matatandaang requirement ang negatibong swab test result sa paliparan ngayong may banta pa rin ng COVID-19, alinsunod sa mga panuntunan ng pandemic task force.
At ayon sa PNP, maaaring maharap sa multang hindi lalagpas sa P50,000 at pagkakakulong nang hindi bababa sa isang buwan ang pamimigay ng pekeng swab test result.
Sa kabila ng paulit-ulit na paalala at babala, nakadidismayang patuloy pa rin ang ganitong gawain ng ilan sa atin.
Marahil, gusto lang talagang makabiyahe ng mga ito, pero ang problema kasi ay posible itong magdulot ng panibagong sakit ng ulo.
Hindi ito ang unang pagkakataon na may nahuling namemeke ng COVID test result, kaya utang na loob, tiyaking walang makalulusot sa mga pasaway na ito. Kumbaga, turuan ng leksiyon at panagutin kung kailangan managot.
At kayong mga namemeke, tigil-tigilan n’yo na ‘yan dahil hindi kayo nakakatulong. Isa pa, puwede lang kayong makapagpalala ng sitwasyon sa bansa.
Kung gusto ninyong maglakwatsa, dapat mayroon kayong lehitimong dokumento at iwasang mameke.
Tandaan na hindi lang kayo ang malalagay sa panganib dahil ang mga tao sa paligid n’yo ay ganundin.
Kasabay ng ating pakikipaglaban sa pandemya, hangad nating maging mabuti at disiplinadong mamamayan ang bawat isa.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments