Namatay ang asawa habang nasa petisyon ang pagpapawalang-bisa ng kasal
- BULGAR
- Nov 17, 2022
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | November 17, 2022
Dear Chief Acosta,
Nagsampa ako ng petisyon upang maipawalang-bisa ang aking kasal base sa Article 36 ng Family Code of the Philippines o psychological incapacity. Kasalukuyang nasa pre-trial ang aming kaso nang nagkaroon ng aneurysm ang aking asawa at namatay matapos ang anim na araw. Nais kong malaman kung ano ang mangyayari sa aking kaso? - Vicky
Dear Vicky,
Para sa iyong kaalaman, nakasaad sa A.M. No. 02-11-10-SC o ang Rule on the Declaration of Absolute Nullity of Void Marriages and Annulment of Voidable Marriages na inilabas ng Kagalang-galang na Korte Suprema at naging epektibo noong ika-15 ng Marso 2003 na:
“Section 24. Effect of death of a party; duty of the Family Court or Appellate Court. - (a) In case a party dies at any stage of the proceedings before the entry of judgment, the court shall order the case closed and terminated, without prejudice to the settlement of the estate in proper proceedings in the regular courts.
(b) If the party dies after the entry of judgment of nullity or annulment, the judgment shall be binding upon the parties and their successors in interest in the settlement of the estate in the regular courts.” (Binigyang-diin)
Base sa nabanggit, ang pagkamatay ng isang partido sa petisyon tungkol sa pagpapawalang-bisa sa kasal, bago pa man magkaroon ng entry of judgment o desisyon tungkol dito ay magdudulot ng pagsasara at pagwawakas ng naturang kaso bagama’t wala itong magiging epekto sa kasunduan tungkol sa maiiwanang ari-arian ng namatay. Ito ay dahil ang kamatayan ng isa sa mga partido sa kasal ay agarang puputol sa kasal at sa anumang pangasiwaan ng kanilang mga ari-arian bilang mag-asawa. Samakatwid, ang kasong iyong isinampa upang ipawalang-bisa ang iyong kasal ay isasara na lamang ng korte sapagkat hindi na ito kailangan pa dahil naputol na ang tali ng iyong kasal nang pumanaw ang iyong asawa.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.





Comments