Namataang LPA sa Mindanao, magpapaulan sa maraming lugar – PAGASA
- BULGAR
- Dec 8, 2022
- 1 min read
ni Lolet Abania | December 8, 2022

Magdudulot ang low pressure area (LPA) na namataan ngayon sa Mindanao ng mga pag-ulan sa iba’t ibang bahagi ng bansa, ayon sa state weather bureau na PAGASA.
Sa kanilang 4PM weather bulletin, sinabi ng PAGASA na ang LPA na huling namataan sa layong 870 kilometro east ng Mindanao, kasama ang kanyang trough, ay magdudulot ng maulap na mga papawirin na may kalat-kalat na mga pag-ulan at thunderstorms sa Mindanao, Eastern Visayas, Central Visayas at sa Bicol region.
Nagbabala naman ang PAGASA sa posibleng flash floods o landslides sanhi ng katamtaman at paminsan-minsang malakas na mga pag-ulan sa naturang lugar.
Samantala, makakaapekto ang shear line sa Cagayan, Apayao at Ilocos Norte, kung saan maaaring makaranas din ng maulap na mga papawirin na may kalat-kalat na mga pag-ulan. Posible rin ang flash floods o landslides sa mga nabanggit na lugar.
Ang Metro Manila at natitirang bahagi ng bansa ay makararanas ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin na may isolated rainshowers o thunderstorms dahil sa localized thunderstorms.
Ayon pa sa PAGASA, ngayong Huwebes pumasok ang LPA sa Philippine Area of Responsibility (PAR).
Sinabi naman ni PAGASA weather forecaster Raymond Ordinario na patuloy na mino-monitor ng ahensiya ang weather disturbance, kung saan nagpapakita ito ng senyales na ma-develop na maging bagyo sa mga susunod na mga araw.
“Ang nasabing low pressure area ay ating binabantayan dahil nagpapakita ito, base sa ating mga analysis, ng mga posibilidad na maging bagyo sa mga susunod na araw,” saad ni Ordinario sa isang Facebook livestream.
Nauna nang binanggit ngayong araw ng PAGASA na ang LPA ay papangalanang “Rosal” sakaling ito ay ma-develop at maging isang tropical cyclone.a





Comments