Nalunod sa dagat, ina pumalag... Ateneo player, may pasa at pabigat sa paa
- BULGAR

- Jun 10
- 2 min read
ni BRT @News | June 10, 2026

Photo: Circulated
Nagdadalamhati at nananawagan ng hustisya si Rovelyn Baterbonia, ina ng Ateneo Men’s Basketball Team player na si Rene Baterbonia, matapos ang pagkamatay ng anak sa isang aktibidad na inilarawang bahagi ng team training sa Aurora.
Ayon kay Rovelyn sa isang panayam, marami pa rin umano siyang tanong tungkol sa nangyari sa kanyang anak, kabilang na kung bakit hindi ito agad nasagip at kung bakit umano may mga pabigat na nakakabit sa mga kamay at paa nito habang lumalangoy. Ganundin ang pagkakaroon umano nito ng mga pasa sa katawan.
Ani Rovelyn, wala umanong sinuman mula sa Ateneo de Manila University ang nakipag-ugnayan sa kanya kasunod ng insidente ng pagkalunod at pagkamatay ng kanyang anak at ng isa pang player na si Divine Adili.
“Ang dami nila dun tapos walang nag-rescue. ‘Yung anak ko, hindi ba nila pinapalangoy nang may 20 kilos na pabigat?” dagdag niya.
Ayon kay Rovelyn, naniniwala siyang may foul play sa insidente dahil marami pasa ang kanyang anak at nagtatanong siya, upang malinawan.
Sinabi naman ng mga imbestigador ng pulisya na wala pa silang nakikitang foul play sa insidente ng pagkalunod.
“Base po sa salaysay ng mga nakausap natin na kasama nila ay meron po silang activity na kung saan lumalakad po ang mga players sa tabing-dagat, hanggang hita po ‘yung lalim ng tubig. At bigla na lang po silang napunta sa malalim na parte,” ani Aurora PPO director Percival Pineda
Isinalaysay ni Pineda na nangyari ang insidente alas-2:40 ng hapon sa harap ng isang pribadong resort kung saan nagsasagawa ng training camp ang Ateneo Blue Eagles bilang paghahanda sa UAAP Season 89, kung saan nakatakdang simulan ni Baterbonia ang kanyang collegiate journey at inaasahang gaganap si Adili sa kanyang sophomore year.
Ibinahagi ni Pineda na mabilis na nakatanggap ng paunang medical response sina Baterbonia at Adili habang agad namang rumesponde ang PNP matapos matanggap ang tawag. Sa kasamaang palad, ang parehong manlalaro ay pumanaw.





Comments