Nakisawsaw, nadamay… GELLI, TODO-PIGIL MAIYAK NANG MAGSALITA SA BANAT NI DENNIS

ni Nitz Miralles @Bida | October 13, 2026

Photo: Gelli de Belen sa Wala Pa Kaming Title - YT
Matapos ma-bash sa social media, nilinaw ni Gelli de Belen sa podcast nina Janice de Belen at Carmina Villarroel na Wala Pa Kaming Title na wala siyang kinakampihan kina Patrick Garcia at Dennis Trillo.
“Mind you, ‘di naman po talaga ako kasali ru’n sa issue. Nagkataon lang na may ipino-promote ako, ‘yun ang issue and sinagot ko po at ang pinaka-focus ko lang talaga is the children, bilang ina...
“Wala po akong kinakampihan or kinampihan at that time. And even at this point in time, feeling ko, wala namang masama na maging concerned tayo sa magiging effect nito sa mga bata. ‘Yun ang pinaka-goal ko lang. I do not have ill will towards anybody. I know I meant well. ‘Yun lang ang focus ko,” paliwanag ni Gelli.
Ayon naman kay Janice, gusto lang niyang masabi ni Gelli ang side niya. Para mas malinaw, tinanong ni Carmina kung mga bata ng both camps ang binanggit ni Gelli.
In the end, pare-pareho ang gusto ng tatlong hosts — matapos na ang isyu at mag-move on na ang mga involved, pati na rin ang mga netizens na sumabay sa isyu.
Apektado si Gelli sa isyu. Habang nagsasalita, gumagaralgal ang boses nito, namula ang mga mata at tumigil sandali. Kulang na lang ay tumulo ang luha niya. Napigil lang niyang umiyak nang husto.
HEART, AMINADONG KAMUKHA SI CAPRICE
BALITANG kasama sa cast ng movie nina Heart Evangelista at John Prats ang CapHeath love team nina Caprice Cayetano at Heath Jornales. Unang lumabas ang balitang ito nang i-post ng mga solid fans na kasama nga ang mga ito sa comeback movie nina Heart at John.
Alam na rin ng mga fans, kahit hindi pa kumpirmado, na ang gagampanang role nina Caprice at Heath ay ang mga karakter na young Heart at John.
Hindi raw mahihirapan ang make-up artist dahil magkamukha sina Heart at Caprice, at si Heart mismo ang nagsabi nito. Kamukha raw niya si Caprice, at marami ang sumang-ayon sa kanya.
Ipinost na rin ng Cornerstone Studios sa Facebook (FB) account nila ang photos ng CapHeath na may caption na ‘Developing’. Tuwang-tuwa ang CapHeath fans dahil may movie na raw ang favorite love team nila at kasama pa sina Heart at John.
Kaya kahit wala pang formal announcement, may mga nangakong susuportahan ang pelikulang wala pang title sa ngayon.
Comment ng mga fans:
“Eto na talaga, ‘di na s’ya multo, totoo na talaga. Puwede nang mangarap, mga Kapitans (fans nina Caprice at Heath).”
“‘Yung smile ko, parang nababaliw ako.”
“OMG!!! Kaya pala ang tapang na ng mga Nakshie namin sa interview.”
“Picture pa lang ‘to pero ‘yung chemistry, grabe ang lakas.”
“Naumpisahan na, susunod sa KathNiel (Kathryn Bernardo & Daniel Padilla) talaga ‘to. Pangmasa!”
Samantala, busy si Caprice sa paghahanda para sa debut niya sa November 10. Hindi pa nababanggit ang venue at kung sino ang makakasama sa 18 roses at iba pang bahagi ng selebrasyon. Big event ito kapag nagkataon dahil eldest si Caprice at marami ang nagmamahal sa kanya.





Comments