Nakapag-advance rin daw nang milyon… KEN CHAN, MAY PROYEKTO PA SA GMA-7, BIGLANG NAGTAGO

ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | September 19, 2026

Photo: IG _akosikenchan
Follow-up ito sa naisulat namin dito sa BULGAR tungkol kay Ken Chan na masama ang loob niya sa GMA management dahil nanghingi raw siya ng legal assistance pero hindi siya pinagbigyan.
Sa nakaraang episode ng online show na Showbiz Now Na! (SNN!) nina ‘Nay Cristy Fermin at Romel Chika ay naibalita nilang walang regular na trabaho ang dating Kapuso actor dahil wala itong work permit. On call daw ang estado nito sa catering services na kanyang pinagtatrabahuhan.
At sa tsikahan ni Ken sa mga kaibigan niya ay nasambit nitong masama ang loob niya sa Kapuso Network, bagay na nakarating naman kay ‘Nay Cristy dahil sa source niya.
Dahil dito ay hiningan ng panig ng SNN! ang GMA at kinlaro nito na walang katotohanan ang tsika ni Ken Chan.
“Wala raw pong katotohanan ‘yung sama ng loob na inilantad ni Ken Chan na nanghingi s’ya ng legal assistance na ‘di raw po s’ya binigyan ng network, wala raw ganu’n.
“Ito pa, si Ken Chan pala, may mga projects pa raw nu’ng magtago!” kuwento ni ‘Nay Cristy.
“Kaya pala s’ya hinahanap, kasi may proyekto s’ya. Kaya lang, bigla s’yang nawala,” sey naman ni Romel.
“Nawala, nagtago na. Ang totoo, ang GMA ang naghahanap sa kanya pero ‘di na s’ya makita dahil ‘di naman s’ya nagpaalam nu’ng magtatago na s’ya, eh, ” tugon ni ‘Nay Cristy.
“Oo, kasi nu’ng pumutok ang balita, nawala na s’ya agad,” saad ni Romel.
Kaya kailangan daw ilabas din ng SNN! ang panig ng GMA para maging patas.
“May advance pa pala si Ken Chan sa network, milyon ang halaga,” paglilinaw ng SNN host.
“So, eto na ‘yun,” sambit ni Romel Chika.
Samantala, binigyan naman ng hustisya ni ‘Nay Cristy si Ken.
“Alam mo kasi, ‘pag tayo ay may sama ng loob, meron tayong sentimyento na kahit ano na lang ay nasasabi natin, eh,” sambit ni ‘Nay Cristy.
“Saka mabigat na mabigat na ang pakiramdam mo,” punto ni Romel.
“Saka ‘pag tinakasan ka na ng pag-asa, ‘pag nandu’n ka na sa punto na ‘di ka na pinagbibigyan mula sa madilim na madilim na bahagi ng mundo mo, kahit ano ay nasasabi mo na, eh. Dapat nag-iingat (sa mga sasabihin),” katwiran ni ‘Nay Cristy.
At sa pananaw pa ng TV host, kung nagsabi raw sana ng totoo ang dating aktor sa GMA management ay handa naman siyang tulungan at bigyan ng trabaho kaya sana raw ay nakipag-usap ito.
Kaya ang payo niya kay Ken, “‘Pag nand’yan ka sa sitwasyon na ganyan, ang pinakapositibong paraan ang dapat mong maisip. Harapin mo at unti-unti ay matatapos ang problema mo.
“Panalangin namin ni Romel sa ‘yo (Ken), sana ay may isang anghel na ipadala sa ‘yo ang langit para lahat ng problema mo ay mapanis na. ‘Yung bibigyan ka ng tiwala na babayaran lahat ng utang mo. Kaya laban lang nang laban.”





Comments