Nakalamang na sa 2-1 ang Heat sa Game 3
ni Anthony E. Servinio - @Sports | May 23, 2022

Nakaligtas ang bisitang Miami Heat sa huling pagragasa ng Boston Celtics upang maitakas ang mahalagang 109-103 panalo sa Game Three ng Eastern Conference Finals ng 2022 NBA Playoffs kahapon sa TD Garden. Lamang na ang Heat sa serye, 2-1, sa gitna ng hindi paglaro ng kanilang bituin Jimmy Butler sa second half.
Tumalon sa 46-29 na lamang ang Heat sa second quarter subalit nagising ang Celtics at ipinasok ang huling 10 puntos upang itakda ang iskor sa 47-62 sa halftime. Biglang namaga ang tuhod ni Butler at nagpasya na magpahinga na lang at bumalik para sa Game Four ngayong Martes.
Ginamit ng Boston ang pagkakataon na wala si Butler at unti-unting binawasan ang lamang. Mag-isang bumanat ng 10 sunod-sunod na puntos si Jaylen Brown upang lumapit ng isang puntos na lang, 92-93, subalit kumapit ang Miami.
Sinagot ito ng three-points ni Max Strus, shoot ni Bam Adebayo at dalawang free throw ni PJ Tucker upang lumayo papasok sa huling minuto, 100-92. Pumalag pa rin ang Boston subalit isinigurado ng mga puntos nina Victor Oladipo, Kyle Lowry, Strus at Tucker ang tagumpay.
Halimaw ang numero ni Adebayo na 31 puntos at 10 rebound. Hindi dapat maglalaro si Tucker matapos magka-pasa sa tuhod sa Game Two subalit tiniis niya ito para mag-ambag ng 17 puntos at matinding depensa kay Jayson Tatum.
Nasayang ang 40 puntos ni Brown na sinundan ni Al Horford na may 20 puntos at 14 rebound. Dumagdag ng 20 puntos si Marcus Smart habang 10 puntos lang si Tatum.





Comments