Naka-move on na… MIKEE, MAY IPINALIT NA KAY PAUL
- BULGAR

- Jul 7, 2025
- 3 min read
ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | July 7, 20255
Photo File: Mikee Quintos - IG
Marami ang hindi makapaniwala na nakahanap na ng bagong boyfriend ang Kapuso actress na si Mikee Quintos, kapalit ni Paul Salas. Iilang buwan daw nang sila ay mag-break ng ex-BF, may kapalit na agad.
Samantalang si Paul ay tahimik lang at wala pang ipinakikilalang bagong nobya. Kaya hindi makapaniwala ang mga netizens na ganoon kadaling naka-move on si Mikee matapos ang break-up nila ni Paul.
May mga nagsasabi naman na baka ‘dummy’ lang ang lalaking ipinakikilala ni Mikee na bago niyang karelasyon. Ganoon pa man, sakali ngang totoo na may bagong BF na si Mikee, wala namang masama dahil single siya at deserve na lumigaya. At hindi madidiktahan ang kapalaran kung sino ang nakatakda nating makadama sa buhay.
NOONG panahon na kasagsagan ng COVID pandemic, isa si Gretchen Barretto sa mga celebrities na tumulong at nagpadala ng ayuda sa lahat ng movie workers—maliit man o malaking artista sa telebisyon at pelikula. Libu-libong Love Box ni Gretchen ang naipadala na naglalaman ng bigas, groceries, atbp. Labis itong ipinagpapasalamat ng mga taga-industriya, lalo na ng mga taong nawalan ng pagkakakitaan noong pandemic.
Kaya naman, minahal ng marami si La Greta dahil dumamay siya sa maliliit na manggagawa sa industriya. Kaya naman ngayon na nadadawit ang pangalan ni Gretchen sa isang malaking kontrobersya, hindi siya nakatikim ng pamba-bash mula sa mga taga-movie industry. May ilang kaibigan ang nagdarasal naman para malinis ang pangalan ni Gretchen Barretto na nadamay lamang sa isyu ng mga lost sabungeros.
ALAM kaya ni Anjo Yllana na may Turkish boyfriend na ngayon si Sheryl Cruz?
Recently ay nag-post si Sheryl sa social media ng larawan nila, kasama ang kanyang Turkish boyfriend. Kitang-kita ang saya at in love si Sheryl sa bago niyang pag-ibig. Pero hindi siya nagbigay ng detalye sa pagkatao ng kanyang karelasyon. Hindi rin binanggit ang pangalan ng guy o gaano na katagal ang kanilang relasyon.
Samantala, sa isang interview kay Anjo ay nabanggit niya na nagkaroon sila ng nakaraan ni Sheryl. At kahit bata pa sila noon ay gusto na niya itong pakasalan. Pero naunahan siya ng takot kay FPJ, na uncle ni Sheryl. Kaya bigla na lang siyang nawala sa buhay ni Sheryl. Dinamdam ito nang husto sa singer at nagmarka ang pang-iiwan sa kanya ni Anjo.
Muntik na silang magkabalikan noong 2017, kaya akala ng mga fans ni Sheryl ay madurugtungan pa ang kanilang love story. Pero hindi pa rin nakapagpatawad, at may mga bagong manliligaw na ngayon si Sheryl Cruz.
MARAMI ang nag-abang sa pagdating ni Mark Herras sa burol ng veteran host/talent manager na si Lolit Solis. Matatandaang nagkaroon ng gap at alitan sina Mark at Manay Lolit, na humantong sa paghihiwalay nila bilang talent/manager. Hindi gusto ni Manay Lolit ang pagiging pasaway ni Mark.
Dismayado siya sa naging direksyon sa buhay ng dating alaga. Si Mark ang sinasabing ‘black sheep’ at ‘prodigal son’ sa hanay ng kanyang mga alaga.
Sa unang gabi pa lang ng burol ni Lolit ay dumating agad at nakiramay ang mga alaga niyang artista, sa pangunguna nina Bong Revilla, Congw. Lani Mercado, Christopher de Leon, Sandy Andolong, Gina Alajar, Benjie Paras, Glydel Mercado, Tonton Gutierrez, Yasmien Kurdi, at Pauleen Luna. Sa pangalawang gabi ay dumating sina Gabby Concepcion, Ali Sotto, Arnold Clavio, at Tirso Cruz III.
Samantala, umaapaw sa mga naggagandahang bulaklak ang Aeternitas Chapel na galing sa mga taong nagmamahal kay Lolit Solis. Sa mahigit na tatlong dekada niya sa showbiz ay naging makulay ang kanyang buhay.










Comments