Naitalang life expectancy sa ‘Pinas, tumaas
- BULGAR
- Feb 16, 2024
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | Pebrero 15, 2024
Bahagyang bumuti o nag-improve ngayong taon, ang naitalang average na inaasahang mabuhay na isang indibidwal sa ating bansa.
Batay sa statistics mula sa United Nations, ang average life expectancy sa Pilipinas ay nasa 71.79 taon ngayong 2024, kung saan bahagyang tumaas ito kumpara sa 71.41 taon noong 2021.
Ayon sa UN, ang life expectancy ay average na bilang ng mga taon na maaaring asahan ng isang bagong ipinanganak o newborn na mabubuhay kung siya ay daraan sa buhay na ito na subject sa tinatawag na age-specific mortality rates ng isang partikular na panahon.
Kaugnay nito, ang average life expectancy naman sa Hong Kong at Japan ay nasa 85 taon habang sa Central African Republic ay 54 taon.
May mga bansa talaga na ang itinatagal ng buhay ng isang tao ay napakahaba. May umaabot ng 100 years old at mayroon namang nasa edad 50 pa lamang ay marami na sa kanila ang namamatay.
Ang paghaba ng buhay o pagtanda ng isang tao sa ganang akin ay nakasalalay sa mismong indibidwal na ipinanganak sa mundong ito.
Napakahalaga ng pag-aalaga sa ating sarili mula nang tayo ay isinilang ng ating mga magulang hanggang sa tayo ay magka-edad at tumanda.
Kung paano tayo namumuhay, ang ating paraan ng pamumuhay o lifestyle ay isa ring factor na maituturing para magkaroon ng mahabang buhay.
Karamihan kasi sa atin ay hindi pansin na may mga ginagawa tayo na sadyang nakakasama sa ating kalusugan, ang pagkakaroon ng iba’t ibang bisyo gaya na lang ng halos gabi-gabing pag-inom ng alak at ‘yung usung-uso rin ngayon na sinasabing ‘nightlife’ na walang habas na pagpupuyat.
Kung nais talaga nating humaba ang ating buhay at magtagal pa sa mundong ito, matuto tayong pangalagaan ang ating sarili. Dito pumapasok ang pagkain natin ng mga masusustansyang pagkain, pag-eehersisyo, pag-iwas sa anumang bisyo na hindi makakabuti sa ating katawan, at kung sakali namang magkasakit ay magpahinga, uminom ng gamot at sundin ang payo ng mga doktor.
Iwasan din natin ang laging nai-stress o mangunsumi, magalit, mag-worry at iba pa na pawang mga negatibo na hindi nakakatulong at nakakaapekto pa sa ating pag-iisip.
Lagi sana nating iisipin na hindi lang pisikal na pangangatawan ang dapat na maging malusog, kundi pati na rin ang ating emosyon at mental dahil ito ay kabuuan ng ating katawan.
Tandaan din natin ang salitang self-love o pag-aalaga sa ating sarili habang pagtuloy tayong magtiwala sa Diyos na siyang nagbibigay ng mahabang buhay.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments