top of page

Nainsulto sa blind item, pumiyok, ‘di na raw uulitin… BARBIE, UMAMING MARAMING SPONSORS SA BAGONG BAHAY

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 11 hours ago
  • 5 min read

ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | February 5, 2026



Barbie Imperial

Photo: Barbie Imperial - IG



Inamin ni Barbie Imperial na mahilig siyang mag-react sa mga bagay-bagay lalo na kung hindi totoo, at isa na nga rito ang blind item tungkol sa isang aktres na nakapagpatayo raw ng bahay sa South na bigay umano ng isang mayamang lalaki.


Nataon kasing nag-post ang aktres sa kanyang social media accounts ng perspective house design ng ipagagawa niyang bahay sa Bicol, na ayon sa kanya ay matagal na niyang pangarap.


Nabanggit din sa post ni Barbie ang ilang detalye tungkol sa bahay, na ang pinsan niyang arkitekto ang nag-design nito, atbp..


Sakto naman na ilang minuto lang matapos mag-post ni Barbie ay naglabas ng blind item ang isang website tungkol sa aktres na may bahay courtesy of a benefactor. Kaya ang intindi ni Barbie ay siya ang tinutukoy sa blind item at talagang nag-react siya. 

Sa panayam sa kanya sa Ogie Diaz Inspires ay ikinuwento ni Barbie kung bakit niya inangkin ang blind item at kung bakit sa Bicol siya nagpatayo ng bahay at hindi sa Manila kung saan siya nagtatrabaho.


“Unang-una po, ‘di kaya ng budget dito sa Manila. Hahaha! Naisip ko po sa Bicol kasi pangarap ko po talagang magka-bahay na sarili ko po talaga. Mayroon po kaming bahay ru’n na binili ko para kay Mama, sa kanya na po ‘yun, pero ako, Tito, ever since, pangarap ko na may swimming pool, tapos may second floor,” kuwento ng aktres.


Lumaki siyang walang sariling bahay at palipat-lipat lang sila kaya ipinangako niya sa sarili na kapag nagkapera siya ay bahay ang una niyang project. Ito ay mula pa noong nakapasok siya sa Pinoy Big Brother: 737 (PBB737) noong 2015 kung saan tinawag siyang ‘The Doll Along the Riles of Albay’.


At tungkol nga sa blind item, ani Barbie, “Alam mo, Tito, nu’ng 2026 kasi, ipinangako ko sa sarili ko na ‘di puwedeng ‘di ko ipagtatanggol ang sarili ko ever kasi ang tagal-tagal kong naba-bash. At ‘yung time na ‘yun na lumabas ang blind item, ang daming nagta-tag sa akin, ang daming nagse-send sa akin at ‘yung comments, actually, pangalan ko. Kaka-post ko lang po, Tito, kaya sumama ‘yung loob ko na parang ‘Maging happy naman kayo para sa tao,’ ‘di ba? Nagpapabahay, tapos may ganu’ng blind item?


“Kaya dinefend ko po ang sarili ko at nag-message rin po ako sa Radar.ph nang maayos po. And honestly po, wala po akong problema sa kanila. Alam ko po na ginagawa lang po nila ang trabaho nila, but nu’ng time na ‘yun I have to defend myself, Tito, kasi pinaghirapan ko ‘yun, pera ko ‘yun lahat. Wala naman po sigurong masama kung ide-defend ko ang sarili ko.

“Ang dami pong nagsasabing ako ‘yun kasi ako ‘yung kaka-post lang. And honestly, Tito, ayoko lang magtuluy-tuloy ‘yung blind item at gusto ko nang itigil na ‘di ako ‘yan. ‘Yun lang po ang gusto kong mangyari that time.”


Singit ni Ogie, “Alam mo naman ‘pag blind item, whether it’s true or not, ‘di ka dapat mag-react, ‘di mo dapat akuin ‘yung blind item.”


Tawa nang tawa si Barbie, “Opo, next time, ‘di na po.”

Nakaganda rin na sumagot si Barbie dahil noong sagutin niya ang blind item ay wala na raw masyadong nag-comment na siya ang tinutukoy. Ang naging komento na lang ay kung bakit nag-react ang aktres sa blind item na sa madaling salita ay inangkin niya ito.

“Hindi naman ikaw ‘yung taong ‘yun na married man na nagbigay ng bahay,” sambit ni Ogie.

Pangungulit ni Barbie, “Sino po ba kasi ‘yun? Hahaha! Opo, ‘di kami ganu’ng level ni Chard (Richard Gutierrez) na bahay-bahay ang ibinibigay. Regalo lang.”


Nasambit din ni Ogie na malaki ang naitulong ni Barbie sa website dahil dumami ang mga followers nito. Ano ang natutunan ng aktres sa isyung ito?


“‘Di po ako nagsisisi na nag-react ako kasi nakita ko rin ‘yung comment ng ibang tao na ipinagtanggol nila ako. Siguro sa next time po, ‘di na lang ako papatol. Bawal pala, ‘yun pala ang rules n’yo. Hahaha! So, kayo, puwedeng mag-blind item pero bawal sumagot?” sabi pa ni Barbie.


“Umaray ka kasi maraming nagta-tag sa ‘yo,” diin ni Ogie.

At dito na ikinuwento ng aktres ang naging proseso kung paano niya nabili ang lupa na pag-aari pala ng kanyang lola.


“Nu’ng 2022 po, buhay pa ang lola ko. Pinsan ng lolo ko si Lola Pepita Imperial. Marami s’yang lupa sa Bikol, so binentahan n’ya ako ng lupa na 400 square meters pa lang nu’ng time na ‘yun kasi ‘yun pa lang ang kaya kong bayaran.


“Tapos nu’ng 2024, sabi ko, ‘Lola, may ipon na ako ulit. Puwede ko bang bilhin ‘yung katabi?’ Kasi magkatabi lang. So, 600 square meters ata ‘yung pangalawang nabili ko. Pinag-isa ko na lang ‘yung dalawang lote at ipina-register ko na isa na lang.”


Ang pinsan niyang si Architect Tricia Marbella ang nag-design ng bahay.

At dahil gusto nga niyang makapagpatayo ng bahay, super-tipid si Barbie at lahat ng kinikita ay iniipon niya kesa mag-travel.


“Si Richard, nu’ng nagkakilala kami, travel nang travel. ‘Yung kita ko po, ini-invest ko, nagnenegosyo po ako. Matalino ako sa pera, Tito, kasi ayaw kong dumating ‘yung panahon na wala akong mapupuntahan. ‘Pag babae ka, importante, may pera ka para ‘pag gusto mong iwanan ‘yung sitwasyon, kaya mo kasi may pera ka.


“Anyway, ‘yung bahay ko po, Tito, sobrang smart kung paano ko po nabuo ‘yun. Diniscountan ako ng malaki ng lola ko, tapos, ang architect ko, pinsan ko na sobrang close ko. Marami akong sponsors — Boysen (sa) pintura, ultimo inidoro, mga stove, aircon. Sabi ko nga, bakit ang semento, ‘di nag-sponsor? Sayang, ‘yun ang pinakamahal.


“Katas ng pag-iipon talaga, Tito, saka ‘di ako mahilig mag-shopping-shopping. ‘Pag may nagbigay na may discount, puwede, pero ‘pag walang discount, ayaw ko at saka kung ‘di kailangan.”


Pero nang maging sila na ni Richard ay mahilig daw itong magregalo.

“Okay na ‘yun, maregalo s’ya,” tumatawang sambit ng girlfriend ni Chard.


Sa tanong kung nakikita ni Barbie ang future niya kay Richard, sagot niya, “Gusto ko pong maging honest. Parati ko pong sinasabi ito noon sa mga naging boyfriends ko na lagi akong ina-ask. Sabi ko lagi ‘Oo,’ eh, wala naman na sila ngayon.


“Kaya ayaw kong magsalita ngayon about it. If ibibigay s’ya ni God, then okay, if hindi, okay din. Basta ang pinakaimportante is grabe ‘yung growth ko with Richard. As in nag-mature talaga ako, Tito, sa mga desisyon ko sa buhay, especially ‘yung think first bago ako magsalita. Kasi dati, ‘pag alam kong tama ako, enough na ‘yun para i-defend ko ang sarili ko.”

Magkaiba raw ng ideya sina Richard (42) at Barbie (27) pero itina-try nilang i-workout ito.

“Ang dami n’yang ideas kasi 42 na s’ya, ako naman, mga Gen Z things kaya tawang-tawa s’ya sa akin. ‘Yung mga jokes ko kasi, ang tingin ko kay Richard, seryosong tao, action star. Kaya ‘pag nagdyo-joke ako at ipinapakita ko ang TikTok, tawang-tawa s’ya kasi ‘di s’ya nagso-social media. Instagram (IG) lang kaya ‘di n’ya alam ‘yung ibang mga vlogs, kaya tawa s’ya nang tawa,” tsika pa ni Barbie Imperial.


Well, age doesn’t matter, basta masaya. Hahaha!


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page