NAIA, bukod sa worst airport dami pang surot, malamang mag-no. 1 na palpak na paliparan sa mundo
- BULGAR
- Mar 2, 2024
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Marso 2, 2024
SEN. IMEE, MALAPIT NA MAG-NO. 1 SA RANKING, KASI NAGUGUSTUHAN ANG SERBISYO NIYA SA SAMBAYANAN -- Sa survey na inilabas ng Publishers Association of the Philippines (PAPI) ay nag-rank No. 3 na si presidential sister, Sen. Imee Marcos sa mga posibleng manalo sa 2025 senatorial election.
Kaunti na lang magra-rank No. 1 na si Sen. Imee at posible talagang mangyari ‘yan kasi maraming Pinoy ang nagugustuhan ang paglilingkod niya sa bayan at mamamayan dahil ipinakikita niya ang pagiging tapat sa serbisyo, bukod pa sa siya ay makamahirap at higit sa lahat, hindi niya kinukunsinte ang mga maling polisiya ng kapatid niyang presidente na si Pres. Bongbong Marcos (P-BBM) at kapag may nakita siyang mali sa Marcos administration ay agad niyang pinupuna ito, period!
◘◘◘
BAKA SA NEXT DATOS NG BUSINESS FINANCING.CO.UK, NO. 1 NA SA PALPAK ANG NAIA SA BUONG MUNDO -- Pinutakti nang kagat ng surot ang mga pasahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Aba’y last month lang ini-report ng Business Financing.co.uk na nakabase sa United Kingdom (UK) na pang-apat ang NAIA sa pinakamalalang paliparan sa buong Asya dahil sa hindi maayos na serbisyo nito sa mga pasahero, tapos ngayon nabalita naman na sandamakmak ang surot sa international airport na ito ng Pilipinas.
Nakupo, baka dahil sa panibagong isyung ‘yan sa NAIA ay sa susunod na maglabas ng datos ang Business Financing.co.uk ay maitala na nito na ang NAIA ay number 1 na sa worst airport hindi lang sa Asya, kundi sa buong mundo, period!
◘◘◘
DAPAT NANG SIBAKIN NI P-BBM SI MIAA GM INES, KASI PALPAK ANG PAMAMAHALA NITO SA NAIA -- Ang NAIA ang isa sa itinuturing na “mukha ng ‘Pinas” sa mundo dahil ang mga turista at mga dayuhang nais magnegosyo o mag-aral sa Pilipinas ay dito unang dumaraan, at kung pangit ang serbisyo at may mga surot pa ay tiyak pupulaan ng mga dayuhan ang pandaigdigang paliparan ng bansa.
Kaya’t ang dapat gawin ni P-BBM ay sibakin na sa puwesto si Manila International Airport Authority (MIAA) Eric Ines kasi marami na ang naiinis dito sa palpak na pamamahala nito sa NAIA, boom!
◘◘◘
MATAAS KASI ANG PRIDE NI PURA LUKA, KAYA MADALAS SIYANG HINUHULI AT IKINUKULONG -- Inaresto at ikinulong na naman ng mga otoridad si drag artist Pura Luka Vega sa kasong paglabag sa cybercrime law at “immoral doctrines, obscene publications and exhibitions and indecent shows” na may kaugnayan sa “Ama Namin” performance niya kung saan, sa show niyang ito noong July 2023 ay binastos at ginawa niyang katatawanan ang Diyos.
Sa totoo lang, masyado lang kasing mataas ang pride ni Pura Luka dahil ang hiling lang naman sa kanya ng mga taong simbahan ay humingi ng sorry sa publiko sa pambabastos niya sa Diyos, pero ayaw niyang magsori kaya ang resulta, sa rami ng nagsampa ng kaso sa kanya ay madalas siyang inaaresto at ikinukulong ng mga otoridad, period!




Comments