top of page
BULGARY - SEN. ROBIN, MAY P150 M AMBAG SA PHIL. FILM HERITAGE, BUILDING ‘DI PA RIN NATAPOS
Search

Nahulog na prutas sa bakuran ng kapitbahay

  • BULGAR
  • Oct 31, 2022
  • 2 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | October 31, 2022


Dear Chief Acosta,


Ang ilan sa mga sanga ng puno ng santol ko ay nasa bakuran ng aking kapitbahay. Kusang nahuhulog ang mga santol sa bakuran ng aking kapitbahay, lalo na kapag malakas ang hangin. Hinihingi ko ang mga nahulog na santol sa aking kapitbahay, ngunit ayaw niya ang mga ito ibigay sa akin. Maaari ko bang sampahan ng kasong pagnanakaw ng santol ang aking kapitbahay? - Ate Bebe


Dear Ate Bebe,


Para sa iyong kaalaman, ang krimen na theft ay binigyang-linaw sa Artikulo 308 ng Revised Penal Code kung saan nakasaad na:


“Article. 308. – Who are liable for theft. – Theft is committed by any person who, with intent to gain but without violence against or intimidation of persons nor force upon things, shall take personal property of another without the latter’s consent.”


Batay sa nasabing batas, ang pagnanakaw (theft) ay pagkuha ng pag-aari ng ibang tao nang walang pahintulot ng huli.


Nakasaad naman sa Artikulo 681 ng New Civil Code of the Philippines na ang mga prutas na nahulog ng natural sa katabing lupain ay pag-aari ng may-ari nito:


“Article. 681. Fruits naturally falling upon adjacent land belong to the owner of the said land.”

Samakatuwid, hindi mo maaaring kasuhan ng pagnanakaw ng santol ang iyong kapitbahay dahil malinaw sa ating batas na siya ang itinuturing na may-ari ng mga santol na natural na nahuhulog sa kaniyang bakuran.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page