top of page
Isko Moreno Domagoso - FB.jpg

Nagugutom na pamilyang Pinoy, dumami

Writer: BULGAR
BULGAR
Jan 25, 2024
2 min read

ni Ryan Sison @Boses | Enero 25, 2024


Nakakapanlumo ang mga napaulat na dumami na naman ang bilang ng mga Pinoy na nagugutom.


Sa resulta ng pinakabagong survey ng Social Weather Station (SWS), tumaas ang insidente ng mga gutom sa Pilipinas nitong huling quarter ng 2023.


Batay sa poll na isinagawa mula December 8 hanggang 11, ang bilang ng mga pamilyang Pilipino na nakaranas ng involuntary hunger, o pagkagutom at walang makain kahit isang beses sa nakalipas na tatlong buwan, ay tumaas mula 9.8 porsyento noong September 2023 at naging 12.6 porsyento noong December 2023.


Sa naitalang 12.6 porsyento, hindi bababa sa 11.2% ng mga pamilyang Pilipino ang nakaranas ng moderate hunger o katamtamang pagkagutom at 1.4% naman ang severe hunger o matinding gutom.


Ang katamtamang pagkagutom ay tumutukoy sa mga nakaranas ng gutom na “isang beses lang” o “ilang beses” sa nakaraang tatlong buwan, habang ang matinding gutom ay tumutukoy naman sa mga nakaranas na “madalas” o “palaging” pagkagutom sa nakaraang tatlong buwan.


Ayon sa SWS survey, iniuugnay nila ang naturang pagtaas sa pagdagdag o pagdami ng hunger incidence sa lahat ng bahagi ng bansa maliban sa Metro Manila.


Nai-report din na ang Balance Luzon o ang mga lugar sa labas ng Metro Manila, ang may highest increase na 14.3%. Sinundan ito ng Metro Manila na 12.7%, Mindanao na 12.0%, at Visayas na 9.3%.


Habang bumaba naman ang hunger rate sa Metro Manila mula 17.3% ay naging 12.7%.


Isinagawa ang fourth quarter SWS survey gamit ang face to face interviews ng 1,200 adults sa buong bansa, kung saan tig-300 sa Metro Manila, Balance Luzon, Visayas at Mindanao. Ang sampling error margin nito ay ±2.8% para sa national percentage, at ±5.7% bawat isa para sa Metro Manila, Balance Luzon, Visayas, at Mindanao.


Nakakalungkot na napakarami sa ating mga kababayan ang nakakaranas ng pagkagutom at walang makain. Kaawa-awa ang kanilang sitwasyon na posibleng ang iba sa kanila ay itinutulog na lamang ang kalam ng sikmura at bahala na bukas pagkagising kung saan magkakalkal sa tambak na basura para lang may pamatid ng kanilang gutom. 


Panawagan natin sa kinauukulan, sana ay tutukan ang kalagayan ng ating mga kababayan. Marami ang naghihirap at hindi pa rin talaga nakakabangon mula sa pandemya. Sila iyong mga walang trabaho, palaboy, at walang makain pati ang kanilang pamilya.


Hindi ba’t obligasyon ninyong tugunan ang pangangailangan ng mga mamamayan partikular na ang pagkain at kabuhayan?


Sana, bago pa gawin ang mga bagay para sa sarili o dumalo sa mga concert na maituturing na pahinga rin naman ninyo, unahin muna ang kapakanan ng taumbayan na patuloy na umaasa sa inyong tapat na serbisyo at paglilingkod.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page